Ibinahagi ng miyembro ng P-pop sensation girl group na BINI na si Aiah o Maraiah Queen Arceta ang naramdaman niyang saya sa naging pagtuntong at pagpe-perform nila sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Ano ang Coachella at bakit big deal ito sa music industry?
Ayon sa naging panayam ng Billboard News sa BINI matapos ang naging pagtatanghal nila sa Coachella noong Biyernes (araw sa California), Abril 10, kinuwento ni Aiah ang sobrang pagkatuwang naramdaman nila dahil sa makasaysayan nilang pagtatanghal sa nasabing event.
“Of course we are all so happy. We are grateful for that historical moment,” pagsisimula niya.
Ani Aiah, bibihira daw kasi na magkaroon sila ng pagkakataon na makapagtanghal sa bibigating entablado ng Coachella.
“It’s not always we get to be on the Coachella stage,” aniya.
Pagpapatuloy niya, tila raw hawak-hawak nila ang sulo o apoy ng pagiging Pilipino sa pagtatanghal nila sa naturang entablado at nagagalak silang makita na masaya silang napapanood ng mga batang sumusubaybay sa kanila.
“It’s like we’re carrying this torch where in all Filipinos—Filipino by blood, by heart—all the young kids who look up to us are so happy seeing us on stage,” saad niya.
“We are all also happy. Our younger selves, our little kids inside are so happy because we get to bring that light to everybody,” pagtatapos pa niya.
Samantala, matapos ng una nilang pagtatanghal sa Coachella noong Biyernes, Abril 10, nakatakda muling magtanghal ang BINI sa parehong entablado sa paparating na Abril 17, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: BINI, parang lalaban ng boxing sa Coachella!