Inimbitahan ang mga oil company na dumalo sa pagdinig ng House of Representatives of the Philippines sa darating na Lunes, Abril 13, 2026, kaugnay ng umano’y “cartel-like” na paggalaw sa lingguhang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Marikina 2nd district Rep. Miro Quimbo, chairperson ng House ways and means committee, layunin ng pagdinig na siyasatin kung may koordinasyon sa pagitan ng mga oil firm habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene.
“Bakit pare-pareho at sabay-sabay po sila, nagtataas ang kanilang mga presyo?” tanong ni Quimbo.
Saad pa niya, “So once and for all, we need to find out ano yung nagiging nagpu-push ng behavior.”
Nanawagan din si Quimbo sa Philippine Competition Commission (PCC), Department of Energy (DOE), at Energy Regulatory Commission (ERC) na agarang aksyunan ang isyu.
“Kailangan nilang magtrabaho kasi sobrang tagal nang inaantay nito. Hanggang ngayon, wala pang kahit isang findings na naglabas sila na meron talagang cartel-like behavior,” aniya.
Nauna nang iniutos ng DOE sa mga oil company ang pag-unbundle o paghihiwalay ng mga sangkap ng presyo ng petrolyo upang maging mas transparent ito sa publiko.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Quimbo na bagama’t nakatulong ang Oil Deregulation Law upang maiwasan ang mas matinding krisis sa presyo, mayroon pa rin itong kakulangan.
“So nagkaroon tayo ng tagumpay dahil marami ng participants. Pero tila hindi rin tayo nagtatagumpay… kasi pareho ‘yung presyo eh,” dagdag pa niya.
Inaasahang tututok ang pagdinig sa posibleng sabwatan o pagkakapare-pareho ng galaw ng presyo ng mga oil company, sa gitna ng panawagan ng publiko para sa mas malinaw at patas na sistema sa pagtukoy ng presyo ng langis sa bansa.
Matatandaang lampas isang buwan na ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo magmula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng mga bansang Iran at sanib-pwersang hukbo ng United States at Israel noong Pebrero 28.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Habang sa susunod na linggo, inaasahan namang magkakaroon ng kauna-unahang rollback sa presyo ng mga langis matapos ang naikasang pansamantalang ceasefire sa pagitan ng mga bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Pakistan PM, inanunsyo ceasefire ng Iran, US at iba pa!