Opisyal na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Dita-Angara Mathay bilang bagong kalihim ng Department of Tourism (DOT) nitong Biyernes, Abril 10.
Batay sa pahayag ng Malacañang, inilarawan nila si Mathay bilang isang “seasoned public servant” na may dekada nang karanasan sa trade, investment, at international economic engagement.
Sa mga taon din daw ng paninilbihan ni Mathay, ang mga programa nito ay nagbunga ng konkretong solusyon na nagsuporta sa mga industriya at nagbukas ng mga oportunidad sa mga negosyong lokal.
Kaya saad pa ng Palasyo, ang pagtatalaga kay Mathay ay layong mas mapayabong ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpasok ng bagong investments at turismo sa bawat rehiyon.
MAKI-BALITA: Dita Angara-Mathay, itinalaga bilang bagong kalihim ng DOT
Dahil dito, sino nga ba si DOT Sec. Mathay?
Bago maitalaga sa DOT, si Mathay ay nanilbihan sa Philippine Trade and Investment Center (PTIC) - Tokyo bilang Commercial Counselor at Special Trade Representative.
Ang bagong kalihim ay naging miyembro din ng Department of Trade and Industry (DTI) Foreign Trade Service Corps.
Ilan sa mga naging bunga ng kaniyang mga serbisyo ay ang pagkalap ng ₱56.35 bilyon mula sa Japanese investments, na nakapagbigay ng higit-kumulang 14,600 trabaho sa mga Pinoy.
Isa pa ay ang pagbubukas ng ilang major Japanese retail chains sa mga produktong Pinoy, at ang ₱90 milyon na halaga ng sales para sa tinatayang 116 Pinoy exporters at negosyante, partikular sa Micro, Small, and Medium Enterprises (MSME).
Siya rin ang asawa ng dating pangulo ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) na si Robbie Mathay.