Ibinahagi sa publiko ng isa sa mga abogado ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Israelito Torreon ang magkakahalo raw niyang emosyon sa pagpunta sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands kung saan kasalukuyang nakapiit si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa inupload na panayam ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa kaniyang YouTube channel kay Torreon noong Huwebes, Abril 9, sinabi ng huli na halo-halong emosyon daw ang nararamdaman niya para kay FPRRD.
“I have mixed feelings,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “First, I’m very downtrodden, especially in the light of the fact that I know that he is just very near, yet even I as a lawyer, could not even got to him cuz there are requirements, requisites that have to be complied before I could enter.”
Ani Torreon, malinaw raw na hindi makatarungan ang patuloy na nararanasan ng dating Pangulo sa piitan ng ICC dahil mayroon naman daw na sariling judiciary ang Pilipinas.
“This is really clear evidence of how injustice continually committed against him. Knowing the fact that we have a working judiciary in your country,” aniya.
Diin pa niya. “Yet he is here in a very far away country and he is languishing in jail, and the prosecution is even trying to secure more witnesses against him.”
Sa kabila nito, tila nagpapasalamat naman umano siya sa kliyente niyang hindi niya direktang tinukoy kung sino dahil nakasama raw siyang makapunta sa Netherlands.
“I have mixed feelings kasi nadala ako ng kliyente dito, ang mabait ko na kliyente pero ako rin ay hindi masaya,” saad niya.
Pagpapatuloy pa niya, wala raw silang ibang magagawa kung hindi ang mag-alay ng dasal para kay FPRRD at umaasa sa milagrong makakauwi rin ng bansa ang dating Pangulo.
“Kasi nakikita ko kung ano ang sitwasyon ni Tatay Digong dito. Pero wala tayong magawa kundi mag-alay ng dasal… na sana magkaroon ng milagro na makauwi po si Tatay Digong doon sa atin,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, nananatili pa rin si FPRRD sa detention center ICC sa The Hague, Netherlands at humaharap sa mga kasong crimes against humanity dahil sa war on drugs na naganap sa Pilipinas sa panahon ng kaniyang mga panunungkulan.
Matatandaang isinagawa ng ICC ang kanilang confirmation of charges sa mga kasong kinakaharap ng dating Pangulo noong Pebrero 23 hanggang Pebrero 27, 2026.
Inanunsyo na rin ICC na ilalabas nila ang kanilang desisyon kung isasailalim sa trial si FPRRD ngayong buwan ng Abril 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ICC, ilalabas na desisyon sa ‘Jurisdiction Challenge’ ni FPRRD ngayong Abril!
KAUGNAY NA BALITA: Panghihimasok ng ‘foreign institusyon’ sa hustisya ng bansa, banta sa kalayaan—VP Sara