May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang 20-anyos na lalaki matapos maaksidente sa kaniyang minamanehong motorsiklo sa Kidapawan City makaraang makatakas umano mula sa grupong nanakit sa kaniya.

Batay sa kuha ng CCTV, hinabol ng ilang kalalakihan ang biktima bago ito naabutan sa isang parking area kung saan siya pinagsusuntok at pinagtulungan umano ng grupo.

Sa kabila ng pananakit, nakatakas pa umano ang biktima at nakasakay muli sa kaniyang motorsiklo. Habang pauwi sa kanilang lugar sa Barangay Magpet, nawalan umano ito ng kontrol sa sasakyan at bumangga sa isang poste.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay habang ginagamot.

Ayon sa ina ng biktima, nagtungo umano ang kaniyang anak sa isang bar upang makipagkita sa kaniyang girlfriend bago nangyari ang insidente.

Probinsya

‘Mula noong nag-graduate ako, nagamit ko talaga yung natutunan ko—’ PBBM sa mensahe sa ‘presidential scholars’

Sinasabing nagsimula ang gulo matapos umanong suntukin ng biktima ang isang lalaki na umano’y nambastos sa kaniyang kasintahan. Bunsod nito, hinabol at pinagtulungan umano siyang bugbugin ng ilang kalalakihan.

Naniniwala ang pamilya ng biktima na posibleng nakaapekto ang tinamong pananakit sa kaniyang kalagayan kaya siya naaksidente habang nagmamaneho.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas sa medical findings na head injury ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang pagkamatay ng lalaki ay direktang dulot ng aksidente o ng tinamong pananakit bago ang insidente.

Samantala, sumuko na umano sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang siyam na lalaking itinuturong sangkot sa pambubugbog.

Ayon sa mga awtoridad, hindi pa maaaring magsampa ng kasong homicide habang hindi pa natatapos ang mas malalim na imbestigasyon.

Humiling naman ang pamilya ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang labi nito upang matukoy ang tunay na sanhi ng kaniyang pagkamatay.