April 11, 2026

Home BALITA

Panghihimasok ng ‘foreign institusyon’ sa hustisya ng bansa, banta sa kalayaan—VP Sara

Panghihimasok ng ‘foreign institusyon’ sa hustisya ng bansa, banta sa kalayaan—VP Sara
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB

Binira ni Vice President Sara Duterte ang anumang panghihimasok ng mga dayuhang institusyon sa sistema ng hustisya ng Pilipinas na maituturing na seryosong banta sa kalayaan at soberanya ng bansa.

Sa kaniyang mensahe kaugnay ng paggunita ng Araw ng Kagitingan nitong Huwebes, Abril 9, 2026, iginiit ng Bise Presidente na mahalagang balikan ng mga Pilipino ang sakripisyo ng mga bayani sa Bataan bilang paalala ng tunay na halaga ng kalayaan.

“Ngayong araw, binibigyang-pugay natin ang mga magigiting na kawal na nanindigan sa Bataan. Ang kanilang sakripisyo ay hindi lamang pagpapakita ng lakas-militar; ito ay isang dakilang pagpapatunay ng pagmamahal sa sariling bayan,” ayon sa kaniya.

Binanggit din ni Duterte na ang kalayaan ng bansa ay bunga ng matinding sakripisyo ng nakaraang henerasyon at dapat itong patuloy na ipagtanggol ng kasalukuyang mamamayan.

“The Day of Valor reminds us that our freedom was bought at a high price. It is a reminder that the defense of our Republic is a continuous duty that falls upon every generation. Today, valor is found in our courage to protect our sovereignty and our discipline to uphold the rule of law,” aniya.

2 bata, patay matapos makulong sa kotse

Kasabay nito, binigyang-diin ng Bise Presidente na ang tunay na kagitingan sa kasalukuyang panahon ay makikita sa paninindigan ng bansa laban sa anumang panlabas na impluwensya.

“Ang tunay na kagitingan ay matatagpuan sa ating matibay na paninindigan na protektahan ang ating soberanya. Ang anumang pagtatangka ng mga banyagang institusyon na manghimasok sa ating hustisya ay isang tuwirang hamon sa kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani sa Bataan,” dagdag pa niya.

Iginiit din niya na may kakayahan ang Pilipinas na pamahalaan ang sarili nitong sistemang legal nang walang pakikialam mula sa labas.

“May kakayahan tayong pamunuan ang ating sarili at pairalin ang ating sariling mga batas sa ilalim ng ating sariling mga hukuman.”

Matatandaang nananatili pa rin sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang madugong kamanya noon kontra droga.

KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD

Sa huli, nanawagan si Duterte sa sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang diwa ng katatagan at pagkakaisa na ipinamalas ng mga bayani ng Bataan.

“Kagaya ng ating mga bayani sa Bataan, huwag tayong sumuko. Harapin natin ang mga hamon ng ating panahon taglay ang parehong diwa ng katatagan—paninindigan ang isang matatag, ligtas, at tunay na malayang Pilipinas.”