Isang mahalagang hakbang sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang inanunsyo ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber matapos nitong itakda ang petsa ng paglalabas ng desisyon kaugnay ng kaniyang jurisdiction challenge.
Ayon sa ICC Appeals Chamber, nakatakda nilang ilabas ang kanilang desisyon sa Abril 22, 2026.
“Issues the following SCHEDULING ORDER” at “Judgment in the above appeal will be delivered in open court on Wednesday, 22 April 2026 at 11h00,” anang ICC.
Ang naturang desisyong ilalabas ng ICC ay hinggil sa kuwestiyon kung may kapangyarihan nga ba ang ICC na hawakan at dinggin ang kasong iniuugnay laban kay Duterte.
Matatandaang nauna nang pinagtibay ng Pre-Trial Chamber ang hurisdiksyon ng ICC sa mga kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa kaniyang kontrobersyal at madugong kampanya kontra droga habang miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.
Nakasaad din sa dokumento na ang kautusan ay ginawa sa The Hague, Netherlands at pirmado ni Presiding Judge na si Luz del Carmen Ibáñez Carranza.
Ang magiging desisyon ng Appeals Chamber ay inaasahang magkakaroon ng malaking epekto sa direksyon ng kaso laban kay Duterte at sa usapin ng pananagutan sa ilalim ng internasyonal na batas.
Kasalukuyan pa ring nananatili sa kustodiya na ng ICC si Duterte, isang taon na ang nakalipas matapos siyang maaresto noong Marso 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, nasa kustodiya na ng ICC
Noong Pebrero 23-27, isinagawa ang confirmation of charges hearing sa kaso ng dating Pangulo, habang noong Marso 6 nang tuluyang ihayag ng ICC na mananatili pa rin sa kanilang kustodiya si Duterte hangga’t nagpapatuloy ang pagdinig sa kaos niya.
MAKI-BALITA: TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges