Patay ang isang 75 taong gulang na kilalang manghihilot at kumadrona matapos itong saksakin ng umano’y lasing na kustomer sa Davao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima upang magpahilot. Dahil may kulang na kagamitan, umalis ang apo ng biktima upang bumili ng kakailanganin sa panghihilot ng kaniyang lola.
Pag-uwi ng nasabing apo, doon na raw tumambad sa kaniya ang wala nang buhay na katawan ng biktima. Tadtad ng saksak leeg at iba’t ibang parte ng katawan.
Agad na dinala sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara rin itong patay dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng suspek na nananatili na sa kanilang kustodiya.
Samantala, nananawagan naman ng hustisya ang mga residente para sa biktima na kilala sa kanilang lugar bilang tumutulong sa panganganak at panggagamot sa komunidad.