Patuloy na nakapagtatala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mataas na aktibidad mula sa Bulkang Mayon, base sa pagmamanmang isinagawa rito mula 12:00 ng hatinggabi noong Huwebes, Mayo 14 hanggang 12:00 ng hatinggabi nitong Biyernes, Mayo 15.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS nitong Biyernes, Mayo 15, nakataas pa rin sa bulkan ang Alert Level 3, kasabay ang pagkakatala ng 421 rockfall events nito.
Anang ahensya, naitala rin ang 71 volcanic earthquakes, 39 volcanic tremors, at anim na pyroclastic density current signals o uson.
Paalala ng PHIVOLCS, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa anim na kilometrong radius Permanent Danger Zone, at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng Mayon.
Hindi naman sinasara ng ahensya ang posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar.