April 09, 2026

Home BALITA

Service contracting program para sa PUVs, ikakasa sa Abril 15

Service contracting program para sa PUVs, ikakasa sa Abril 15
Photo courtesy: MB


Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sisimulan na sa darating na Abril 15 ang service contracting program para sa mga public utility vehicles (PUVs).

Sa ulat na ibinahagi ng LTFRB nitong Martes, Abril 7, layon daw nitong tulungan ang ilang PUVs sa mga rutang matatagpuan sa National Capital Region (NCR), Davao City, at Cagayan de Oro City, bilang tugon sa nagpapatuloy na girian at tensyon ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Sakop ng programang ito ang mga EDSA bus carousel, modern jeepneys at mga traditional jeepneys na dumadaan sa LRT at MRT stations—kasama na rin ang ilang major transportation hubs sa mga nabanggit na lugar.

Tinukoy rin daw ng LTFRB ang mga ruta base sa dami ng komyuter sa lugar, at ang ilang existing networks sa loob at sa labas ng Metro Manila.

Pagkumpirma naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, ang nasabing programa ay popondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Matatandaang kamakailan, iginiit na ng transport group na PISTON na hindi umano sagot sa isyu ng langis ang service contracting—maging ang libreng sakay na handog ng pamahalaan.

“Hindi nilulutas ng service contracting at libreng sakay ang isyu ng mataas na presyo ng langis, na siyang pumapatay ngayon sa kabuhayan ng tsuper,” saad ng PISTON.

MAKI-BALITA: 'Service contracting,' libreng sakay 'di solusyon sa isyu ng langis—PISTON-Balita