Magpapatuloy ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang monitoring sa buong bansa ngayong Linggo ng Pagkabuhay, Abril 5.
Ito ay matapos ibahagi ng ahensya na “generally peaceful” ang paggunita sa Sabado de Gloria noong Abril 4.
Sa ulat na ibinahagi ng PNP nitong Linggo, Abril 5, isiniwalat nilang sila ay nakatanggap ng 59 ulat ng pagkalunod, 91 fire incidents, at 455 vehicular incidents sa buong bansa mula Marso 29 hanggang Abril 5 ng 8:00 ng umaga.
Dahil dito, siniguro nilang babantayan pa rin ang mga kaganapan ngayong Easter Sunday.
“Habang patuloy nating ipinagdiriwang ang Easter Sunday, inaasahan natin ang mas maraming kababayan na magtutungo sa mga baybayin at resorts. Paalala po natin sa lahat—maging maingat, bantayan ang inyong mga kasama lalo na ang mga bata, at sumunod sa safety guidelines. Nandito po ang inyong kapulisan, handang tumulong at magbigay ng agarang responde kung kinakailangan,” saad ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa isang pahayag.
“Mag-ingat po tayo sa pagmamaneho. Iwasan ang pagmamaneho kung pagod o nakainom. Maliit na pag-iingat ay malaking tulong upang maiwasan ang sakuna,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa ahensya, ang inisyatibong ito ay nakabase sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa gitna ng selebrasyon at paggunita ng mga “national observances.”