Bumuwelta si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na panahon na raw para suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Energy Regulatory Commission (ERC) kung hindi didinggin ng Manila Electric Company (Meralco) na ang panawagan niyang saluhin nito ang lifeline rate subsidy.
Ang Lifeline Rate ng Meralco ay isang subsidized electricity rate para sa mga low-income household customer, partikular ng mga miyembro ng 4Ps, na kumukonsumo lamang ng 100 kWh pababa sa loob ng isang buwan.
Kung saan magkakaroon ang mga ito ng 20% hanggang 100% na diskuwento sa pagbabayad ng kuryente alinsunod sa RA 11552 o ang EPIRA.
Matatandaang nauna nang maglabas ng pahayag si Diokno noong Abril 30, 2026, patungkol sa Meralco at umapela siyang saluhin na lang ng nasabing kompanya ang lifeline rate subsidy at hindi idagdag sa bayarin sa kuryente ng mga consumers at taxpayers.
Samantala, sinagot naman ng Regulatory Management Head ng Meralco na si Ronald Valles ang mambabatas noong Lunes, Mayo 4, at sinabi niyang mandato ng gobyerno na kolektahin mula sa mga consumers ang gagastahin sa lifeline rate subsidy.
Ayon naman sa bagong tugon ni Diokno sa Meralco nitong Martes, Mayo 5, sinabi niyang tila hindi raw naintindihan ng naturang electric company ang kaniyang pinupunto.
“Meralco completely missed my point. Hindi ko kinekuwestiyon kung legal na singilin sa consumers ang ‘pass through costs’—ang tanong ko ay kung makatarungan ba ito,” pagsisimula niya.
Paglalatag niya, “Kumita ang Meralco ng ₱50 billion noong 2025 at ₱11 billion sa first quarter pa lang ng 2026, habang hirap na hirap ang mga ordinaryong consumers at taxpayers.”
Ani Diokno, barya na lang daw para sa Meralco na saluhin ang lifeline rate subsidy dahil sa laki ng kinikita nila.
“Barya lang sa kanila ang Lifeline Rate. Puwede nila itong ibawas sa kita, over-recoveries, o allowed returns ng distribution utilities,” aniya.
Diin ni Diokno, hindi raw isang ordinaryong negosyo ang Meralco kundi isa itong monopolyong may basbas mula sa Kongreso.
Pagpapatuloy pa niya, panahon na raw para suriin ang EPIRA at ERC kung hindi susuklian ang pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa Meralco.
“Kung ayaw nilang suklian ang pribilehiyong ito, panahon na para suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at ang rules ng Energy Regulatory Commission (ERC) para masiguro na ang sistema ng kuryente ay hindi lang legal, kundi patas at para sa kapakanan ng taumbayan,” pagtatapos pa ni Diokno.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong tugon, reaksyon, o pahayag ang Meralco kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Diokno, sinagot kung bakit mahalaga ang impeachment sa gitna ng problema