Lubos na nagdulot ng pagkataranta sa mga bisita ng isang private resort sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental ang paglitaw ng isang ahas sa banyo ng tinutuluyan nilang kwarto.
Mapapanood sa video na ibinahagi ng netizen na si Dranreb Teodoso na tinukoy bilang Philippine King Cobra ang nasabing ahas na sumisilip mula sa loob ng inidoro.
Sa maikling panayam ng Balita kay Dranreb, ibinahagi niyang bandang 10:00 AM nang makita ng kaibigan nila ang cobra sa loob ng inidoro.
Aniya pa, noong una raw, inakala nila ng kaniyang mga kasamahan na nagbibiro lang ang kaibigan at hindi lang mabuhusan ang inidoro, ngunit nang sinilip nila, personal na nilang nakita ang cobra, na anila’y tila nasa juvenile stage pa dahil wala pa itong hood.
Kaya agad-agad silang tumawag sa mga awtoridad upang maayos na makuha ang cobra at mai-surrender sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kaugnay pang mga ahensya.