Naging maugong na usapan kamakailan ang makasaysayang lunar flyby mission na isinagawa ng Artemis II crew, sa pangunguna ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Hindi lang kasi sila tumungo sa kalawakan, bumuo sila ng kasaysayan ng deep space navigation!
Noong Abril 2026, matagumpay na narating ng Artemis II crew ang “far side of Moon,” ang bahagi ng buwan na kahit kailan ay hindi pa nakita ng kahit sino sa mundo.
Ngunit dahil sa eksplorasyon ng Artemis II, napuntahan nila ang naturang lugar!
Maliban pa diyan, tinalbugan lang naman nila ang record ng Apollo 13 noong taong 1970.
Narating kasi ng Artemis II crew ang 252,757 milyang layo mula sa daigdig—na maituturing bilang pinakamalayong distansyang naabot ng tao mula sa Earth.
Mas malayo ito ng 4,102 milya kumpara sa dating record ng Apollo 13 noong 1970, na umabot sa 248,655 milya.
MAKI-BALITA: Artemis II, narating higit 200k milyang layo sa Earth; kinabog Apollo 13 record noong 1970-Balita
Dahil dito, proud na proud si United States (US) President Donald Trump sa naabot na achievement ng Artemis II crew.
MAKI-BALITA: Trump sa Artemis II: 'I could not be more proud!'-Balita
Pero sino nga ba ang nasa likod na matagumpay na lunar flyby mission at space exploration na naganap noong Abril 2026?
Ayon sa NASA, ang apat na astronaut na lulan ng Orion spacecraft, na siyang umukit ng kasaysayan sa larangan ng siyensya ay sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen.
REID WISEMAN
Si Reid Wiseman ay isang Navy veteran at inhinyero mula sa Baltimore, Maryland.
Siya ay ganap na naging astronaut ng NASA noong 2009 at nanilbihan bilang Flight Engineer ng International Space Station for Expedition 41 mula Mayo hanggang Nobyembre 2014.
Sa isinagawang ekspedisyon ng Artemis II crew kamakailan, si Wiseman ang nagsilbing Commander ng naturang misyon.
Siya ay nagtapos sa ika-20 NASA astronaut class.
Ilan lamang din sa mga achievements ni Wiseman ay ang pagpili sa kaniya bilang Naval Aviator noong 1999, at pagsilbi sa Squadron 101, Naval Air Station Oceana, at Virginia para sa transisyon sa F-14 Tomcat.
VICTOR GLOVER
Si Victor Glover ay isang pilotong nagmula sa Pomona, California.
Si Glover ay matagumpay na naging astronaut ng NASA noong 2013, habang naninilbihan siya bilang Legislative Fellow ng US State.
Siya ay nagtapos sa ika-21 NASA Astronaut class, at nagsilbi rin kalaunan sa space station capsule communicator (CapCom), Expedition 52 Increment Lead Crewmember, Operations Officer, at Family Escort para sa Soyuz at Crew Dragon launches.
Batay sa NASA, isa raw ito sa mga “most challenging” at “rewarding jobs” ng isang astronaut.
Nagsilbi si Glover bilang piloto ng makasaysayang Artemis II mission at lunar flyby.
CHRISTINA KOCH
Si Christina Koch ay isang explorer at inhinyerong mula sa Grand Rapids, Michigan.
Lumaki si Koch sa Jacksonville, North Carolina at tumira naman sa Livingston, Montana kung saan siya ay napili bilang kalahok ng Astronaut Corps.
Si Koch ay naging astronaut noong 2013, na naging flight engineer din para sa International Space Station para sa Expedition 59, 60, at 61.
Siya lang naman ang may titulo bilang “longest single spaceflight by a woman with a total of 328 days in space and participated in the first all-female spacewalk.”
Si Koch ang nag-iisang babae sa apat na astronaut ng Artemis II crew, na nagsilbi rin bilang mission specialist I ng naturang misyon.
JEREMY HANSEN
Si Jeremy Hansen ay isang astronaut sa Canadian Space Agency (CSA), at isa ring Fighter pilot na nagmula sa London, Ontario, Canada.
Sa edad na 17, nakuha na ni Hansen ang kaniyang private pilot license and wings sa Cornwall, Ontario.
Dahil dito, natanggap siya sa Royal Military College Saint-Jean sa Saint-Jean-sur-Richelieu, sa Quebec.
Nakilahok din si Hansen sa European Space Agency CAVES program sa Sardinia, Italy.
Siya ang itinuturing na kauna-unahang Canadian na nagkaroon ng pagkakataon upang pangunahan ang isang NASA astronaut class, kung saan pinangasiwaan nya ang pagsasanay ng ilang astronaut candidates sa US at Canada.
Nanilbihan din si Hansen bilang isang mission specialist sa katatapos lamang na Artemis II mission at lunar flyby.