Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) - Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Miyerkules, Abril 1, na sila ay maghahandog ng libreng sakay para sa mga beteranong Pilipino na bibiyahe mula Abril 6 hanggang 11.
Kaugnay ito sa selebrasyon ng ika-84 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan at ng 2026 Philippine Veterans Week.
Ayon sa nasabing anunsyo, maaaring ma-avail ng mga kwalipikadong pasahero ang libreng sakay buong araw at oras ng operasyon ng MRT-3.
“Maaaring i-avail ang libreng sakay sa buong oras ng operasyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng Veteran’s ID o anumang valid ID sa station personnel kapalit ng Single Journey Ticket (SJT),” saad ng DOTr - MRT-3.
“Pinapayagan din ang bawat beterano na magsama ng isang (1) aide o companion,” dagdag pa nila.
“Ang inisyatibong ito ay pagkilala sa sakripisyo at kabayanihan ng ating mga beterano para sa kalayaan ng bansa,” pagtatapos nila.
Photo courtesy: DOTr MRT-3/FB