Viral ngayon sa social media ang isang 10-anyos na batang bumida sa news reporting sa ginanap na prusisyon ng Poong Nazareno sa Makati City noong Martes, Marso 31, 2026.
Ayon sa inupload na video ng ABS-CBN News sa kanilang social media platforms noong Martes, mapapanood ang batang si John Zedrick Lacsamana.
Sa naturang video, bibong nag-uulat ang nakaunipormeng pangdeboto si John sa isasagawa nilang prusisyon ng Poong Nazareno.
“Andito po tayo sa Makati City. Ngayon po magkakaroon ng prusisyon mamayang 6 yata ng gabi at lalabas na po ang prusisyon,” pagsisimula niya.
Ani John sa kaniyang pag-uulat, tiyak na magkakaroon daw ng magandang prusisyon sa siyudad ng Makati dahil dadagsa ang mga replika ng Poong Nazareno sa nasabing lugar.
“Magkakaroon ng magandang prusisyon at magkakaroon ng maraming Nazareno na kakalat dito sa Makati City,” aniya.
Dagdag pa niya, “After prusisyon, bubuhatin [ng mga Señor] ang Nazareno.”
Pagpapatuloy ni John, isa rin daw siya sa mga batang magbubuhat ng kanilang Poong Nazareno bilang tanda ng pagpapakita nila ng respeto sa Diyos at tanging sila lang daw mga nakadilaw na uniporme ang puwedeng magbuhat ng nasabing Poon.
“Binubuhat namin ang aming Poong Nazareno para sa pagrespeto. Binubuhat namin kaya kami nakadilaw at isang kulay lang po ang puwedeng gumawa ng ganito,” saad niya.
“John Zedrick Lacsamana, Patrol ng Pilipino,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, umabot na sa mahigit 21.1K reactions at 960 shares ang post ng ABS-CBN News kay John.
Kaugnay nito, matatandaang naging ‘overnight media sensation’ din ang isang 19-anyos na kargardor mula sa Divisoria matapos ang kaniyang news reporting sa ABS-CBN News noong Disyembre 2, 2025.
Nakiusap raw ito kung puwede raw ba siyang makuhanan ng video gamit ang sarili niyang cellphone habang hawak ang mikropono pangbalita.
Bagama’t natawa lamang noong una, hindi naman daw ito tumanggi, bagkus ay mahusay na nagampanan ang pagbabalita ng dagsa ng mga mamimili sa Divisoria sa darating ng Pasko.
KAUGNAY NA BALITA: 'Natawa pero 'di tumanggi!' 19-anyos kargador sa palengke, nagpakitang-gilas bilang news reporter
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Kilalanin si ‘Boy Buhat,’ ang kargador na nagpakitang-gilas bilang news reporter