Inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may mga natagpuan umano siya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na pinili niyang hindi na ipaalam pa sa publiko.
Ito ay matapos siyang usisain ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano tungkol dito sa latest vlog nito kamakailan.
“Mayro’n ka bang natagpuan do’n [sa ICI] na hindi mo sinabi sa amin sa public?” tanong ni Bernadette.
“Yes,” sagot ni Magalong, “mayro’n. Pero sinarili ko na lang. I believe it is something that should not be publicly known at the moment.”
Matatandaang itinalaga ng Palasyo si Magalong bilang Special Adviser and Investigator ng ICI noong Setyembre 2025.
Ngunit nagbitiw din siya kalaunan dahil pinalamya umano ng mga pahayag ng Palasyo ang tungkulin at mandatong ipinagkatiwala sa kaniya.
“The Palace's pronouncements concerning my designation, which run contrary to the terms of my appointment, have undermined the role and mandate entrusted to me,” saad ni Magalong sa resignation letter na pinadala niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Dagdag pa ng alkalde, ”Combined with circumstances that already cast doubt on the independence of the Independent Commission for Infrastructure, it has become clear that my continued service is no longer tenable.”
Maki-Balita: Magalong, nag-resign na bilang ICI special adviser
Matapos ito, pinalitan si Magalong ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Rodolfo Azurin Jr.