May 07, 2026

Home BALITA National

PBBM, dismayado sa kapatid na si Sen. Imee—Usec. Castro

PBBM, dismayado sa kapatid na si Sen. Imee—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM, File Photo

Inilahad sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang tila pagkadismaya umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga inilalabas na pahayag ng nakatatanda niyang kapatid na si Sen. Imee Marcos. 

Matatandaang inihayag ni Sen. Imee sa media noong Mayo 3, 2026, na “non-existent” na raw ang relasyon nila ni PBBM sa halos mahigit ilang taon at hindi raw siya dumadalo sa mga reunion o pagkikita-kita ng kanilang pamilya. 

“Non-existent. Of course mahal ko siya, kapatid ko, pero I haven’t seen him. Perhaps over a year now and I don’t really go to the reunions. It’s not comfortable and I prefer my kids go and if they want to go, it’s fine,” saad ni Sen. Imee. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Of course mahal ko siya!' Sen. Imee, mahal pa rin si PBBM kahit 'di sila nagkikita

Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Martes, Mayo 5, 2026, sinabi niyang personal daw niyang inusisa ang Pangulo matapos ang dinaluhan nitong pagpupulong sa UPLIFT committee para alamin ang reaksyon nito sa nasaad ni Sen. Imee. . 

National

DOH, pinatatanggal iba't ibang vape flavors sa bansa!

Ani Castro, kinumpirma raw ni PBBM na hindi na sila nag-uusap ni Sen. Imee sa loob ng mahigit tatlong taon at hindi na rin daw nadalo ang senador sa mga pagtitipon ng kanilang pamilya. 

“He said, yes they haven’t spoken for almost three years, she’s not been attending family gatherings and events,” aniya. 

Paglilinaw ni Castro, wala raw anomang masamang damdaming nararamdaman si PBBM para kay Sen. Imee at dapat lang daw na ang huli na lang ang usisain ng publiko sa relasyon ng magkapatid. 

“Tanungin n’yo po siguro si Sen. Imee diyan dahil sa Pangulo po ay wala po siyang masamang anomang damdamin sa kaniyang nakatatandang kapatid,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Castro, nakita raw niya ang tila pagkadismaya sa body language ng Pangulo dahil sa mga narinig nitong pahayag sa nakatatandang kapatid. 

“Bago kasi siya sumagot ay pinag-isipan niya talaga. Sa aking paningin sa kaniyang body language ay disappointed siya sa kaniyang nadidinig na mga salita mula sa kaniyang kapatid,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang bagong inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Sen. Imee kaugnay rito.