Nagpahayag ng buong suporta si Sen. Robin Padilla para kay Atty. Rowena Guanzon para sa intensyon nitong pagtakbo bilang senador, sa kabila ng umano’y mga naging puna at batikos laban sa kaniya ng abogado noong tumakbo siyang senador at manguna pa sa ranking, noong 2022 national elections.
Maki-Balita: Guanzon, hindi iboboto si Robin: 'Maawa kayo sa Pilipinas'
Maki-Balita: Robin, sumagot kay Guanzon: 'Hindi ko po hinihingi ang boto n'yo'
Sa isang Facebook post nitong Martes, Marso 31, ibinahagi ni Padilla ang kaniyang pananaw bilang isang Muslim, kung saan binigyang-diin niya na hindi niya ikinagagalit ang mga pangungutya o panlalait na natanggap niya, kabilang na ang pagtawag umano sa kaniya bilang “low IQ" o may mababang intelligence quotient.
Ayon sa senador, sa paniniwala ng Islam, ang mga taong nakararanas ng pang-aapi ay pinagpapala at may gantimpala mula sa Allah.
"Hindi ko po ikinakasakit ng damdamin ang mga ipinupukol sa akin bagkus ako po ay naliligayahan dahil katulad ng sinapit na pag maltrato sa propeta muhamad saw ay tumataas pa ang aking pananampalataya at ipinagdarasal ko na lamang ang nararamdaman na pang aapi."
"Si atty guanzon ay kailangan ni VP sara duterte at ng mga Pilipino," aniya.
Binigyang-diin din ng senador ang kakayahan ni Guanzon, na aniya’y maihahalintulad sa ilang kilalang abogado sa bansa tulad nina Vic Rodriguez, Salvador Panelo, Harry Roque, Larry Gadon, at Jimmy Bondoc.
Dagdag pa ni Padilla, hindi mahalaga ang papuri ng mundo kundi ang paghuhukom ng Allah. “Never mind the praises of this world. What matters is the judgement of Allah,” aniya.
Sa huli, muling iginiit ng senador ang kaniyang panawagan ng suporta kay Guanzon sa 2028.
Matatandaang noong Linggo, Marso 29, muling ipinagsigawan ni Guanzon na tumakbo hindi man siya tumakbo bilang senador, mananatili ang suporta niya para kay Vice President Sara Duterte, na nagpahayag naman ng intensyong kumandidato sa pagkapangulo sa 2028.
Maki-Balita: Gobyerno ngayon, 'puro magnanakaw' banat ni Guanzon; suportado si VP Sara sa 2028
Bago nito, sa isang event ay nagpahayag na rin ang abogado sa intensyon niyang tumakbo sa pagkasenador.
Noong Setyembre 2025, nagkrus ang mga landas nina Guanzon at Padilla at dito, sinabi ng abogado na naiintindihan na raw niya kung bakit naging numero unong senador ang aktor noong 2022.
Maki-Balita: 'Plot twist!' Rowena Guanzon, naiintindihan na bakit no. 1 senator si Robin Padilla noong 2022