Tiniyak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi hahayaan ng pamahalaan na maapektuhan ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang presyo ng pagkain sa Pilipinas, partikular ang bigas.
Ayon sa Pangulo, sa kaniyang video statement nitong Martes, Marso 31, patuloy ang hakbang ng pamahalaan upang mapanatiling abot-kaya ang mga pangunahing bilihin sa kabila ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa suplay at presyo ng langis.
Ibinunyag ni Marcos na nagpulong ang UPLIFT Committee noong Lunes, Marso 30, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na aksyon ng gobyerno. Binuo ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee noong Marso 24 sa pamamagitan ng Executive Order No. 110, o deklarasyon ng state of national energy emergency.
Aniya, halos isang buwan nang regular na nagpupulong ang komite simula nang sumiklab ang kaguluhan sa Middle East. Bukod sa kaniya, kinabibilangan ito ng Executive Secretary, kalihim ng Department of Energy (DE), Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Finance (DOF), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at Department of Budget and Management (DBM)
Maki-Balita: Ano ang UPLIFT committee ng national energy emergency at sino-sino ang miyembro nito?
Ibinida ni PBBM ang usapin sa presyo ng pagkain. Ayon sa Pangulo, inirekomenda ng Price Coordinating Council na itakda sa ₱50 kada kilo ang imported na well-milled rice. Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ng executive order ang Pangulo upang agad itong maipatupad.
Pinalalawak din ng pamahalaan ang implementasyon ng ₱20 kada kilo na bigas program, na kasalukuyang ipinamamahagi sa pamamagitan ng 627 rice centers sa buong bansa.
Bukod dito, naglaan din ng tulong pinansyal ang pamahalaan para sa iba’t ibang sektor. Kabilang dito ang ayuda mula sa presidential assistance para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang Pilipino. Mayroon ding fuel subsidy para sa 4,000 magsasaka, habang mahigit 4 na milyong benepisyaryo ang inaasahang makatatanggap ng ₱2,325 bawat isa ngayong Abril.
Dagdag pa rito, makatatanggap din ang mga mangingisda ng fuel cards at vouchers bilang karagdagang suporta sa kanilang produksyon.
Sa kasalukuyan, nananatili umano sa suggested retail price (SRP) ang presyo ng basic necessities at prime commodities, kabilang ang bigas. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga manufacturer at retailer upang hindi muna magtaas ng presyo hanggang sa susunod na buwan.
Samantala, nagbigay rin ng update ang Pangulo hinggil sa suplay ng langis sa bansa sa pangunguna ng Department of Energy. Ayon sa ulat, may sapat na suplay ng krudo at diesel, kabilang ang mga naangkat na langis mula sa ibang bansa, upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng transportasyon at iba pang sektor.
Sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang merkado, iginiit ni Pangulong Marcos na patuloy ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan at araw-araw na gastusin ng bawat pamilyang Pilipino.
Ibinida rin ng Pangulo ang mga hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya sa bansa.
Aniya, umabot na sa 700,000 bariles ng langis mula Russia ang dumating sa Bataan noong Marso 24, habang may kabuuang 2.4 milyong bariles ng crude oil ang inaasahang suplay, kung saan 700,000 bariles na ang nai-deliver. Bukod dito, nakapag-order na ng 1.04 milyong bariles ng diesel, at 142,000 bariles ang naihatid nitong linggo.
Naglaan din ang pamahalaan ng ₱20 bilyon sa pamamagitan ng DBM para pondohan ang karagdagang suplay ng langis bilang buffer.
Kasabay nito, nilagdaan na ang batas ukol sa suspensyon ng excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo. Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang GSIS Ginhawa Solar Energy Loan na nagbibigay ng hanggang ₱500,000 para sa home solar panels, na umani na ng higit 1,200 aplikasyon sa loob lamang ng 24 oras.