Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantala nilang papayagang dumaan sa kahabaan ng EDSA ang provincial buses ngayong Semana Santa.
Ayon pa sa MMDA, epektibo na ito simula 9 PM ng Miyerkules Santo, Abril 1 hanggang 6 AM ng Lunes, Abril 6 upang matugunan ang inaasahang dagsa ng mga pasahero pauwi ng probinsya at pagluwas ng Maynila.
Sa ilalim ng direktibang ito, ang provincial buses na manggagaling sa North Luzon ay pinahihintulutan hanggang sa Cubao sa Quezon City; habang ang provincial buses naman mula South Luzon ay pinahihintulutan naman hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Pasay City.
Matatandaan namang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Sabado, Marso 28, ang pamamahagi nila ng special permit sa 1,297 units ng passenger buses bunsod ng dagsa rin ng mga pasahero ngayong Semana Santa, lalo na sa kasagsagan ng pagtataas ng mga presyo ng produktong petrolyo.
MAKI-BALITA: Higit 1k bus, nabigyan ng special permit para sa Semana Santa; inspeksyon, mas hinigpitan ng LTFRB