May 05, 2026

Home BALITA National

PBBM, nanguna sa pagbubukas ng toll free CAVITEX C5 Link - Segment 3B!

PBBM, nanguna sa pagbubukas ng toll free CAVITEX C5 Link - Segment 3B!
Photo courtesy: PCO

Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagbubukas ng CAVITEX C5 Link Expressway Segment 3B na kumokonekta mula sa Parañaque hanggang Taguig bilang pagtugon umano sa suliraning kinakaharap ng maraming motorista at commuters sanhi ng krisis sa langis. 

Ayon sa naging pahayag ni PBBM sa media nitong Lunes, Marso 30, 2026, sinabi niyang maaaring makadaan sa nasabing expressway ang mahigit 36,000 na bilang mga sasakyan at malaking tulong daw ito upang mabawasan ang malubhang traffic na kinakaharap ng bansa.  

“Nandito tayo at magbubukas na naman tayo ng isang connector road. Ito ay bubuo ng koneksyon mula sa Cavitex hanggang sa C5. Itong section na ito ay Parañaque hanggang Taguig. It will be a 2 kilometers section at ang pinakangdadaan dito ay mga 36,000 na na vehicles,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Malaking bagay ito kasi made-decongest, mababawas na ang traffic doon sa mga maliliit na kalsada dahil dito na lang dadaan.” 

Ani PBBM, maaari daw na umikli na lang sa halos 15 minuto ang biyahe ng mga motorista sa tulong ng nasabing bagong ruta mula sa dati nilang pagbiyahe na inaabot umano ng mahigit isa at kalahating oras. 

National

Erice, kinukumbinse si Mar Roxas na tumakbo sa 2028 presidential elections

“‘Yong biyahe na dati ay isang oras [o] isang oras at kalahati, magiging 15 minutes na lang at napakalaking bagay ‘yan dahil sa malaking saving sa oras ng mga commuter,” aniya. 

Paglilinaw pa niya, “Kagaya ng mga iniisip natin ngayon. Dahil nga sa kaguluhan sa Middle East ay napakalaking savings ito sa gasolina, sa krudo, sa fuel… Mula sa isang oras at kalahati hanggang 15 minutes, malaking savings ‘yan.” 

Pagpapatuloy ni PBBM, kasama raw ang pagbubukas nilang ito ng mga bagong kalsada sa ipinatupad niyang programa na “Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport” (UPLIFT) nang magdeklara siya ng state of national energy emergency noong Marso 24, 2026. 

“Ito ay kasama sa ating utos na nanggaling sa UPLIFT na ating ginagawa na buksan lahat ng mga daan upang maging maginhawa ang pagbiyahe ng ating mga traveling public,” saad niya. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!

Matapos nito, tila masayang ibinida ng Pangulo na magiging toll free o libre ang pagdaan sa CAVITEX C5 Link sa buong buwan ng Abril 2026. 

“Nais kong i-announce na toll free ito buong Abril. Mula ngayon hanggang end of April toll free muna dito. Para naman mapagbigyan ang ating mga kababayan na dumadaan dito, lalong lalo na ngayong Holy Week at maraming bumabyahe,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'May we renew our commitment to love one another:' PBBM, nakiisa sa pagsalubong ng Holy Week