May 16, 2026

Home BALITA National

Higit 145 MW ng kuryente, natipid sa Earth Hour 2026—DOE

Higit 145 MW ng kuryente, natipid sa Earth Hour 2026—DOE
Photo courtesy: via DOE


Naitala ng Department of Energy (DOE) sa ginanap na Earth Hour 2026 noong Sabado, Marso 28, ang kabuuang 145.43 megawatts (MW) na pagbaba sa demand ng kuryente sa buong bansa.

Ayon sa ulat ng DOE nitong Linggo, Marso 29, 75.25 MW ang nagmula sa Luzon, 66.6 MW naman sa Visayas, at 3.58 MW naman ang tala sa Mindanao.

Photo courtesy: DOE/FB

Iginiit ni DOE Secretary Sharon Garin ang kakayahan ng pagkakaisa na maging susi upang mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiya sa bansa.

“Ipinapakita ng Earth Hour na kapag nagkakaisa ang mga Pilipino, kaya nating makamit ang makabuluhang pagbaba sa konsumo ng enerhiya. Higit sa lahat, paalala ito na ang pagtitipid ng enerhiya ay hindi lamang para sa isang oras, kundi dapat isinasabuhay araw-araw,” saad ni Garin.

Ayon naman kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang tamang pagkonsumo raw ng enerhiya ay may tiyak na epekto sa kinabukasan ng bawat isa.

National

OSAA, mariing pinabulaanan mga balitang walang CCTV sa Senado!



“Ipinapaalala sa atin ng Earth Hour na ang paraan ng paggamit natin ng enerhiya ay may epekto sa ating lahat, at ipinapakita nito hindi lamang ang ating mga ginagawa, kundi ang uri ng kinabukasang nais nating buuin para sa ating bansa at sa ating planeta. Magkaisa tayo upang matiyak na patuloy na magliliwanag ang diwa ng Pilipino—na may pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat,” ani PBBM.

Nanawagan din sa publiko ang ahensya sa patuloy na paggawa ng ilang mga hakbang upang makatulong sa kabawasan sa pagkonsumo ng enerhiya.