Nilinaw na agad ni Sen. Kiko Pangilinan na wala siyang interes maging pangulo ng Senado.
Ito ay sa gitna ng umuugong na bali-balitang nagtatangka ng kudeta ang Senate minority bloc para muling palitan ang liderato sa Mataas na Kapulungan.
Sa latest Facebook post ni Sen. Kiko nitong Sabado, Mayo 16, sinabi niyang makikipagtulungan na lang daw siya sa mga kabarong senador.
“Hindi po tayo interesado sa pagiging Senate President. Tutulong nalang ako sa kanila,” saad ni Sen. Kiko.
Dagdag pa niya, “Para sa akin, mas importante ang Food Security kaysa sa Senate Presidency. “
Matatandaang noong Mayo 11 ay nagkaroon ng balasahan sa Senado matapos ang paglitaw ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na kalahating taong walang paramdam.
Pinalitan ni Sen. Alan Peter Cayetano sa puwesto si Sen. Tito Sotto bilang Senate President matapos ang matagumpay na kudeta ng minority.
Nakakuha si Sen. Alan ng 13 boto na pabor sa kaniya mula sa mga kapuwa senador at 9 naman kay Sen. Tito habang dalawa ang nag-abstain.