May 22, 2026

Home FEATURES

Your friendly neighborhood: Si Spider-Man bilang ehemplo ng pakikipagkapuwa

Your friendly neighborhood: Si Spider-Man bilang ehemplo ng pakikipagkapuwa
Photo Courtesy: Screenshots from Scene City, Box Office Scenes, Binge Society (YT)

Itinalaga ang Mayo 16 sa Amerika bilang pagdiriwang sa tinatawag na “National Do Something Good For Your Neighbor Day.” 

Pinasimulan umano ito ni Starr Valentino noong 2009 upang bigyang-diin ang halaga ng komunidad at pagtutulungan.

Sa araw na ito, mahalagang alalahanin si Spider-Man bilang karakter na kumakatawan sa pakikipagkapuwa. Ipinakilala siya nina Stan Lee at Steve Ditko sa mundo bilang “friendly neighborhood.” 

Hindi gaya ng ibang superhero tulad nina Green Lantern, Superman, Captain Marvel na humaharap sa mga global at extraterrestrial threat, si Spider-Man ay mas madalas na nakatuon ang tungkulin sa pagtulong sa mga karaniwang tao sa kaniyang siyudad. 

Makikita ang ganitong mga eksena sa tatlong bersyon ng Spider-Man films nina Sam Raimi, Marc Webb, at Jon Watts. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Sinagip niya ang sanggol mula sa isang nasusunog na gusali, ipinagtanggol niya ang isang bata mula sa mga bully, at tinulungan niya ang isang matandang naliligaw.

Kaya naman hindi nakapagtataka na kasama siya sa listahan ng mga pinakasikat na superhero. Maraming nakakaugnay sa kaniya. Lahat ng tao, maaaring maging si Spider-Man sa sari-sariling paraan.

Ngunit sa “Avengers: Infinity War” (2018), interesante ang naging development sa karakter ni Spider-Man. Tila handa na siyang harapin ang mas malaking banta hindi lang sa New York kundi sa buong planeta.

Sa isang eksena ng pelikula, iginiit niya kay Iron Man ang kagustuhang tumulong para iligtas si Dr. Strange na kinidnap ng alien na si Ebony Maw.

“You can’t be a friendly neighborhood Spider-Man if there’s no neighborhood,” katwiran ni Spider-Man kay Iron-Man habang sakay sila ng spaceship kung saan naroon si Dr. Strange.

Ayon sa Merriam-Webster, bukod sa "one living or located near another," ang isa pang kahulugan ng neighbor ay “fellow man.” Sa Filipino, katumbas ito ng “kapuwa.” At kapag sinabing kapuwa, saklaw  nito pati ang mga taong hindi kakilala o kalugar. 

Kung gayon, masasabing sa puntong iyon, tila lumawak na ang persepsyon ni Spider-Man sa nosyon ng “neighbor.” Para sa kaniya, hindi na lang ito tungkol sa mga taong malapit sa kaniya o sa espasyong ginagalawan niya. 

Kaya paminsan-minsan, lumabas mula sa makipot na mundong ginagalawan ng bawat isa. Hanapin ang iba pang kapuwa na nasa masalimuot  na bahagi ng mundong kinalalagyan ng mga ito.