Nabagbag ang damdamin ng netizens sa kuwento ng isang uploader kung saan nagawang magbigay ng ₱100 ng isang e-jeep driver sa anak niyang walang pamasahe dahil nalimutan nito ang kaniyang pitaka sa kanilang bahay.
Ayon sa kamakailang naging Facebook post ng uploader na si May Albert Flores, makikita ang kuhang larawan ng kaniyang anak na hawak ang ₱100 na mula sa tsuper.
Nagawang manawagan ni Flores sa kaniyang social media platform kung may nakakakilala raw sa tsuper na nasa larawan dahil balak niya itong personal na pasalamatan.
“Kung sino po nakakakilala sa taong ito na nasa picture, driver ng e-jeep pa bound to Monumento po di lang po sure galing sa Meycauayan or Malanday, paki [message] or comment po sana,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Flores.
Ani Flores, papasok na raw noon ang kaniyang anak na si Alliah Flores at sumakay siya sa e-jeep na minamaneho ng tsuper sa Malinta, Valenzuela City ngunit napag-alaman umano ng kaniyang anak na nalimutan nito ang kaniyang wallet sa kanilang tahanan.
“Kanina po, papunta ng school [‘yong] anak namin si Alliah Flores sumakay siya ng e-jeep sa may Malinta na minamaneho ng taong nasa pic, magbabayad na sana si Alliah ng pamasahe bigla niya nakita sa bag naiwan nya ang wallet sa bahay,” kuwento niya.
Anang uploader, tinanong daw ng tsuper ang anak niyang si Alliah kung bakit ito bababa at sinabi naman ng bata na nalimutan niya ang kaniyang pitaka.
‘Tinanong siya ng driver bakit daw siya bababa na, sabi niya wala daw siyang pamasahe dahil naiwan nya wallet niya,” aniya.
Matapos nito, pinayuhan daw ng tsuper si Alliah na huwag nang bumaba at nagawa pa nitong abutan ng ₱100 ang anak ng uploader.
“Wag na daw sya bumaba, agad siyang inabutan ng driver ng 100 pesos para daw may pamasahe siya papunta school. Sobra daw ‘yon at hayaan na dw kaya sabi ng anak ko paano niya maibabalik ang pera, ang sagot ng driver pag nagkita na lang daw sila,” pagbabahagi niya.
Pagpapatuloy ni Flores, talaga raw na nakakaiyak at nakakataba ng puso ang ginawa ng tsuper para sa kaniyang anak, lalo na at nahaharap ang bansa sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin at produktong petrolyo dulot ng sigalot sa Middle East.
“Nakakaiyak at nakakataba ng puso,” diin niya.
“Sa panahon ngayon lalo na at mataas na mga bilihin una na ng presyo ng gasolina, bihira na ang taong ganyan. Napakaswerte ng mga anak o asawa ng driver na may pusong handang tumulong,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, umabot na sa mahigit 2.4K reactions at 300 shares ang naturang post ng uploader, habang naibahagi na rin ng ilang national media outlet sa bansa ang kaniyang kuwento.
MAKI-BALITA: Tsuper na gipit, nakiusap ng bukal sa pusong dagdag-pamasahe kahit maliit
MAKI-BALITA: 81-anyos na lolang namalagi sa isang fast food chain, kinaantigan