May 22, 2026

Home BALITA National

'Makakatulong nang malaki!' Palasyo, pabor sa WFH setup ng mga pribadong sektor!

'Makakatulong nang malaki!' Palasyo, pabor sa WFH setup ng mga pribadong sektor!
Photo courtesy: PCO

Tila pabor sa Malacañang ang suhestiyon ng ilang mga pribadong kumpanya na magsagawa ng work-from-home (WFH) setup sa gitna ng oil crisis. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Marso 27, natanong siya ng media tungkol sa posibilidad na magsagawa ng work-from-home setup ang mga pribadong kumpanya bilang pagtitipid umano sa gitna ng krisis na kinakaharap ng Pilipinas. 

“Business organizations said possible po ang work-from-home setup ngayon para makatipid. Lalo na ‘yong mga private sector. Ano po ang maimumungkahi ng Palasyo dito?” tanong ng isang mamamahayag kay Castro. 

Ani Castro, malaki raw ang maitutulong ng work-from-home setup ng mga pribadong sektor sa panahon ng krisis. 

“Kung ‘yan po ang magiging panukala ng mga private business companies, makakatulong po ng malaki,” pagsisimula niya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Paglilinaw ni Castro, hindi raw didiktahan o pipigilan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga pribadong kumpanya na magsagawa nito kung makabubuti raw ito sa bayan. 

“Pero syempre po hindi naman didiktahan ng Pangulo ang mga pribadong kumpanya kung nakikita po nila na ito’y makakabuti sa ating bayan,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Castro, magandang suhestiyon umano ang inaapela ng mga pribadong sektor para makatipid sa pagkonsumo ng produktong petrolyo. 

“Para sa interes ng ating mga kababayan para makatipid din po sa fuel o sa produktong petrolyo,” saad niya. 

“Maganda po ‘yang suggestion,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo ni PBBM sa publiko nito ring Biyernes na mayroon nang sapat na suplay ng krudong tatagal hanggang sa Hunyo 30, 2026, ang Pilipinas sa gitna ng oil crisis.Matapos ito ng naging pagdating sa bansa ng inangkat na 700,000 barrels na krudo ng pamahalaan mula sa Russia.

Anang Pangulo, hindi pa rin umano titigil ang pamahalaan na humanap pa ng suplay ng langis upang masuportahan ang taumbayan at mabawasan ang hirap na kinakaharap ng mga ito dahil sa epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan.

KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, may sapat nang crude oil supply hanggang Hunyo 30, 2026!—PBBM

KAUGNAY NA BALITA: 'Pagpapa-imbestiga ng flood control anomalies ni PBBM, 'di malilimutan ng Pilipino!'—Palasyo