Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Marso 27, na umabot na sa 425 na gasolinahan ang nagtigil-operasyon sa buong bansa.
Ayon sa PNP, bunsod daw ito ng kakulangan sa suplay ng langis, at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa giriang nagaganap pa rin sa Middle East.
Base sa tala ng ahensya, bumaba na ito sa 387 noong Huwebes, Marso 26, subalit nadagdagan naman ulit ng 38 ngayong araw.
Sa kabuuan, 14,485 gasoline stations ang mino-monitor ngayon ng PNP kaugnay sa isyung kinahaharap ng bansa pagdating sa produktong petrolyo.
Samantala, isinumite na rin nila sa Department of Energy (DOE) ang listahan ng mga nakasarang gasolinahan para sa imbestigasyon at pagsusuri.
Noong Miyerkules, Marso 25, naitala naman ng ahensya ang 415 na mga gasolinahang nakatigil-operasyon, mas mababa sa 425 ngayong araw.
“As of 7:00 AM today, monitoring shows that out of 14,269 gas stations nationwide, 415 are temporarily not operational due to supply constraints,” saad ng PNP sa kanilang ulat nitong Miyerkules, Marso 25.
MAKI-BALITA: 415 gasoline stations sa bansa, pansamantalang tigil-operasyon-Balita
Katuwang ng PNP ang DOE at Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa patuloy na pagbabantay sa isyu ng produktong petrolyo—partikular na ang mga insidente ng hoarding, profiteering, at overpricing.
MAKI-BALITA: DOE, DILG, PNP sanib-puwesa vs hoarding, profiteering ng produktong petrolyo-Balita