Nilinaw sa publiko ng Malacañang na bukas ang pamahalaan sa posibilidad na magkaroon ng joint oil and gas exploration ang Pilipinas kasama ang bansang China.
Sa kabila umano ito ng mainit na tensyon sa pagitan ng mga nasabing bansa sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Huwebes, Marso 26, sinagot niya ang kamakailang pahayag ng Beijing, China na bukas ito sa nasabing joint exploration basta magpapakita raw ng sensiridad ang bansa.
Ani Castro, lagi naman daw “sincere” ang Pilipinas sa lahat ng pagkakataon basta makakatulong ang hakbang na kailangan nilang gawin para sa mga Pilipino.
“Unang una po, hindi po kailanman naging hindi sincere ang bansang Pilipinas,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng okasyon, ang Pilipinas ay laging sincere sa pakikipag-usap, pakikipagnegosasyon lalong lalo na sa pamumuno po ni Pangulong Marcos Jr.”
Pagpapatuloy ni Castro, wala naman daw sekretong pagnenegosasyong ginagawa ang Pangulo at hindi raw ito tututol sa posibilidad na magkaroon ng joint exploration kasama ang China.
“Wala po siyang secret deal. So kung ano man po ang maaaring idulot ng anomang negosasyon at ito ay magiging maganda sa Pilipino, ‘yan naman po ay hindi tututulan ng Pangulo,” saad niya.
Giit niya, bagama’t nilinaw daw ni Department of Foreign Affairs Sec. Ma. Theresa “Tess” Lazaro na wala pa raw nakatakdang joint exploration ang Pilipinas kasama ang China ay bukas pa rin daw ang pamahalaan sakaling mapagdiskusyunan ito.
“Ang sabi nga po ni Secretary Tess Lazaro, sa ngayon po ay wala pa pong joint exploration with the China pero hindi naman ibig sabihin na hindi magkakaroon,” ‘ika niya.
“Open din po ang Pilipinas,” pagtatapos pa ni Castro.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang China kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa oil crisis: 'Gagawin lahat ng gobyerno within the bounds of law!'