May 22, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa oil crisis: 'Gagawin lahat ng gobyerno within the bounds of law!'

Palasyo sa oil crisis: 'Gagawin lahat ng gobyerno within the bounds of law!'
Photo courtesy: PCO

Inihayag sa publiko ng Malacañang na handa raw gawin ng pamahalaan ang lahat nang naaayon sa batas upang maibsan ang epekto sa Pilipinas dulot ng sigalot na nangyayari sa Middle East. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Huwebes, Marso 26, sinabi niyang tanging ang presyo sa produktong petrolyo lang daw ang hindi makontrol ng pamahalaan. 

“Sa ngayon po, ang hindi lang makontrol ay ang presyo ng fuel—ng produktong petrolyo dahil hindi po natin hawak ito,” pagsisimula niya. 

Giit naman ni Castro, hawak pa rin ng pamahalaan ang presyo sa mga pangunahing bilihin at produktong kinakailangan ng mamamayan dahil sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga ahensya ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na makiusap sa mga manufacturing companies na huwag magtaas ng presyo ng mga bilihin. 

“Pero sa ngayon po, ang pamahalaan sa mga utos ni Pangulong Marcos Jr., at sa pangunguna ni DTI Sec. Christina Roque, pati na po ang DA sa pangunguna ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ay nakikipag-usap po sa mga manufacturing companies at other stakeholders na huwag pataasin muna ang mga presyo ng bilihin,” paglilinaw niya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ani Castro, handa raw gawin ng pamahalaan ang lahat nang naaayon sa batas upang maibsan ang kinakaharap na problema ng maraming Pilipino. 

“Ang gobyerno po, lahat ng puwedeng gawin within the bounds of law, ay gagawin po. Hindi naman po tayo maaaring kumilos tapos lalabag naman po tayo sa ating batas,” aniya. 

“Kung ano po ang maaari lamang gawin ng gobyerno para maibsan ang dulot nitong krisis sa Middle East, gagawin po lahat ng gobyerno,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nilagdaan na ni PBBM noong Miyerkules, Marso 25, ang isang batas na nagbibigay sa pangulo ng kapangyarihang pansamantalang bawasan o ihinto ang pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Batay sa Republic Act No. 12316, maaaring gamitin ng pangulo ang kapangyarihang ito kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), at sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at koordinasyon sa Department of Energy.

Nakasaad din na ang anumang suspensyon o pagbabawas ng buwis ay maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan lamang.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pirmado na batas na magsususpinde sa fuel excise tax!

Matapos ito ng pagdedeklara ng Pangulo ng "state of national energy emergency" sa bansa kung saan binigyang-diin niya ang umiigting na sigalot sa Middle East ay nagdudulot ng panganib sa energy security o sapat at matatag na suplay ng enerhiya sa bansa.

Sa ilalim ng deklarasyon, pinahintulutan ang pagpapatupad ng programang “Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).”

Bubuo rin ng isang UPLIFT Committee na pamumunuan ng Pangulo upang mangasiwa sa implementasyon ng mga hakbang. Kabilang sa mga miyembro nito ang mga kalihim ng mga pangunahing ahensya tulad ng DE, DOTr, DSWD, DA, DOF, DEPDev, at DBM.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!

KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa DOE: 'Huwag n'yong titigilan, maghanap kayo pa ng suplay!'