Tila inaasahan umano ni Vice President Sara Duterte wala na raw dapat na gawin pa ang House Committee on Justice kundi ibasura ang impeachment complaints laban sa kaniya dahil sa kakulangan umano ng malinaw na mga ebidensya ng mga ito.
Ayon sa naging pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Marso 25, 2026, nilinaw muna niya ang kaniyang dahilan sa hindi pagsagot sa imbitasyon ng nasabing Komite sa kaniya na dumalo sa kanilang pagdinig.
“Ang suliranin ng bayan ngayon ay ang nanganganib na pagsasara ng mga negosyo, ang pagkawala ng trabaho, at ang hirap ng bawat pamilyang Pilipino dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto,” depensa niya.
Aniya pa, “[M]as pipiliin kong ilaan ang aking oras sa pagtulong sa mga Pilipino—lalo na sa pagbibigay ng paalala, diretso sa mga komunidad, upang maibsan ang hirap sa gastusin ng mga pamilyang higit na nangangailangan.”
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, mas pipiliin tumulong sa mga Pilipino kesa dumalo sa impeachment hearing!
Matapos nito, tila nagawang patutsadahan ni VP Sara ang nasabing Komite at mga mambabatas na nagsusulong ng impeachment case laban sa kaniya dahil mas inuuna pa raw ng mga ito ang politika kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino.
“Muli, inuuna ang politika kaysa sa kapakanan ng milyon-milyong Pilipino na hirap na hirap dahil sa mahal na bilihin,” buwelta niya.
Anang bise presidente, wala naman daw patakaran ang nag-uutos na kailangang personal na dumalo sa pagdinig ang isang respondent sa impeachment case.
“Malinaw na walang patakaran na nagsasabing kailangang personal na dumalo ang respondent sa impeachment complaint sa mga pagdinig ng Committee on Justice,” diin niya.
Saad ni VP Sara, naipasa na raw niya sa Komite ang kasagutan niya sa mga reklamong inihain laban sa kaniya at wala raw ibang dapat gawin ang House Justice Committee kundi ibasura ang kinasasangkutan niyang impeachment case.
“Naisumite ko na ang aking Answer ad Cautelam. Sa ngayon, wala nang dapat pang gawin ang Komite kundi ibasura ang mga reklamo dahil sa malinaw na kakulangan ng ebidensya,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, kasalukuyang idinaraos ng mga miyembro ng House Committee on Justice, sa pangunguna ni House Justice Committee Chairperson Rep. Gervile Luistro, at mga mambabatas ang pagpapatuloy ng deliberasyon ng impeachment complaints laban sa bise presidente.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, iniimbitahan ng Kamara na dumalo sa isang meeting sa Marso 25
KAUGNAY NA BALITA: 'God help us!' Sen. Robin, nag-react sa pagtutuloy ng impeachment vs VP Sara