Matinding takot ang naranasan ng isang ina matapos matangay ang kanIyang sasakyan habang sakay ang dalawang buwang gulang niyang sanggol.
Ayon sa mga ulat, pansamantalang iniwan ng ina ang kaniyang kotse upang sunduin ang isa pa niyang anak sa Sao Paulo, Brazil.
Sa sandaling iyon, sinamantala ng isang lalaki ang pagkakataon at biglang sumakay sa sasakyan bago ito mabilis na pinatakbo.
Dahil dito, agad na nag-alala ang ina nang maalalang naiwan sa loob ng kotse ang kaniyang sanggol.
Agad namang nagbigay ng impormasyon sa pulisya ang ilang saksi at sinubukang habulin ang sasakyan ng suspek.
Makalipas ang ilang oras, natagpuan ang kotse na iniwan ng suspek sa isang lugar na nasa humigit-kumulang tatlong kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente.
Natagpuan ang sanggol sa loob ng sasakyan at agad dinala sa ospital upang masuri, kung saan kinumpirmang ligtas at nasa maayos na kalagayan.
Ayon sa mga awtoridad, iniwan umano ng suspek ang sasakyan nang mapansin niyang hinahabol siya ng mga saksi.
Sinubukan pa niyang tumakas ngunit nahuli rin siya ng mga sibilyan bago pa man dumating ang pulisya.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.