Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi sapilitan para sa mga pribadong paaralan ang pagpapatupad ng planong three-term school calendar ng ahensya.
Sa isang panayam sa Batasan Hills National High School nitong Miyerkules, Marso 25, 2026, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mananatiling may kalayaan ang mga private school sa pagbuo ng kanilang academic calendar.
“Mas maluwag talaga sa private schools. They are free to have their own school year and instruction, basta sumusunod sila sa curriculum at minimum number of school days,” ani Angara.
Ipinaliwanag niya na bagama't ipatutupad ang three-term na sistema sa mga pampublikong paaralan, nasa desisyon pa rin ng mga pribadong institusyon kung susunod sila rito o hindi.
Aniya, marami na rin namang private schools ang gumagamit ng katulad na setup.
Binigyang-diin din ng kalihim na magkaiba ang three-term calendar at ang trimester system. Ayon sa kaniya, sa trimester ay nag-iiba ang mga asignatura kada termino, samantalang sa three-term ay hinahati lamang ang taon sa mga grading period na pareho ang subjects.
“Ang trimester, kada term iba-ibang subjects. Sa three-term, grading period lang siya—pareho lang ang subjects,” paliwanag niya.
Samantala, pinag-aaralan din ng DepEd ang pagbibigay ng mas flexible na learning arrangements sa mga pribadong paaralan, lalo na sa harap ng mga posibleng aberya tulad ng pagtaas ng gastos sa enerhiya.
“We are giving them flexibility… puwedeng mag in-person, puwedeng work from home, o hybrid (setup),” dagdag ni Angara.