Nagdeklara si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ng "state of national energy emergency" sa bansa kasunod ng patuloy na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa suplay ng enerhiya ng Pilipinas.
Batay sa inilabas na Executive Order No. 110 nitong Martes, Marso 24, binigyang-diin ni PBBM na ang umiigting na sigalot sa rehiyon ay nagdudulot ng panganib sa energy security o sapat at matatag na suplay ng enerhiya sa bansa.
Kabilang sa mga salik ang posibleng pagkaantala sa produksyon at transportasyon ng langis, gayundin ang pabagu-bagong presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag sa kautusan na ang Pilipinas, bilang isang bansang umaasa sa inaangkat na produktong petrolyo, ay lubhang vulnerable sa anumang pagkagambala sa global oil supply chain.
Dahil dito, kinakailangang kumilos ang pamahalaan upang maiwasan ang kakulangan sa enerhiya na maaaring makaapekto sa ekonomiya at pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng deklarasyon, pinahintulutan ang pagpapatupad ng programang "Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT)."
Layunin nitong tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya at mapagaan ang epekto ng krisis sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at iba pang kritikal na industriya.
Bubuo rin ng isang UPLIFT Committee na pamumunuan ng Pangulo upang mangasiwa sa implementasyon ng mga hakbang. Kabilang sa mga miyembro nito ang mga kalihim ng mga pangunahing ahensya tulad ng Department of Energy (DE), Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Finance (DOF), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at Department of Budget and Management (DBM).
Isa sa mga tungkulin ng komite ay bantayan ang distribusyon at sapat na suplay ng fuel, pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan, habang pinatitibay ang koordinasyon ng pamahalaan sa harap ng posibleng krisis.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye hinggil sa eksaktong epekto nito sa presyo ng langis at kuryente, ngunit inaasahan ang posibleng pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya at iba pang contingency measures sa mga susunod na araw.
Photo courtesy: via MB