April 29, 2026

Home BALITA

DSWD, nagbabala kontra scams hinggil sa fuel subsidy

DSWD, nagbabala kontra scams hinggil sa fuel subsidy
Photo courtesy: Department of Social Welfare and Development - DSWD/FB


Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko kaugnay sa kumakalat na scam ukol sa pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo.

Sa babalang ibinahagi ng DSWD sa kanilang social media page nitong Martes, Marso 24, sinabi nilang hindi nagpapadala ng anumang link o aplikasyon ang ahensya bilang bahagi ng  proseso sa pamamahagi ng nasabing tulong-pinansyal.

“Hindi totoo ang kumakalat na text message na nag-aalok ng ‘fuel assistance’ gamit ang pangalan ng DSWD,” saad ng DSWD.

Anila, “Sa kasalukuyan, habang isinasagawa ang pamamahagi ng cash assistance para sa mga tsuper, may ilang indibidwal na nananamantala at nagpapakalat ng pekeng mensahe para manghikayat at makakuha ng personal na impormasyon.”

“Mahigpit na paalala: Walang ipinapadalang online application o link ang DSWD para sa anumang tulong-pinansyal. Ginagawa ito para maiwasan ang panlilinlang at maprotektahan ang publiko,” giit pa nila.

Ayon pa sa ahensya, maging maingat upang hindi mabiktima ng nasabing panloloko.

“Kung makatanggap ng ganitong mensahe, siguraduhing huwag i-click ang anumang link at huwag magbahagi ng inyong personal na impormasyon para hindi mabiktima ng SCAM,” anang ahensya.

“Para sa tama at mapagkakatiwalaang impormasyon, i-follow lamang ang official Facebook page ng DSWD,” pagtatapos ng DSWD.

Photo courtesy: Department of Social Welfare and Development - DSWD/FB

Sa kaugnay na ulat, matatandaang naipamahagi na kamakailan ang ₱5,000 fuel subsidy ng pamahalaan para sa mga naninirahan o namamasadang tricycle driver sa Metro Manila.

MAKI-BALITA: 98k tricycle drivers, nakakubra na ng ₱5k fuel subsidy-Balita

Samantala, nagsimula naman ngayong araw ang pamamahagi ng ₱5,000 fuel subsidy para naman sa mga transportation network vehicle service (TNVS) drivers.

Inanunsyo rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamimigay ng ₱10,000 subsidiya para naman sa bawat bus unit.

MAKI-BALITA: PBBM, inanunsyo ₱10k subsidy sa bawat bus unit-Balita