Para sa bookworms at bibliophiles na may mga pending pa sa kanilang “to be read (TBR)” list, tiyaking matapos na ang mga ito dahil magbabalik na ang isa sa pinakamalaki at pinaka-epic na book event sa bansa sa darating na Setyembre!
Ang Manila International Book Fair (MIBF) ay nakatakdang ganapin sa SMX Convention Center Manila, Mall of Asia (MOA), mula Setyembre 9 hanggang 13.
ANO ANG MGA DAPAT ABANGAN?
Bukod sa libo-libong aklat ng mga lokal at internasyonal awtor, kanilang meet and greet, talks, at workshops para sa mga masugid nilang mambabasa, exclusive discounts at special offers, nakatakda ring idaos sa MIBF ang “School World 2026.”
Ang “School World 2026” ay isang co-located event na magtitipon hindi lamang sa book communities ngunit pati na rin sa non-book educational products tulad ng digital learning technologies, teaching at instructional aids, campus solutions, administrative at institutional tools, sa layong mabigyan ng suporta ang mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa kanilang pagbabahagi ng kaalaman at pagkatututo, gamit ang mga modernong kagamitan.
SINO ANG MGA INIIMBITAHAN?
Hinihikayat ng MIBF ang book lovers, mga mag-aaral at mga guro, na sulitin ang grandeng pagtitipon na ito at dalhin ang kanilang mga kaibigan, kamag-aral, at pamilya, upang sabay-sabay silang makadiskubre ng mga bagong istorya at ideya na magpapayaman sa kanilang imahinasyon sa pagbabasa ng mga libro.
Bukod sa pagiging isa sa mga pinakamalaki at pinaka-epic na book event, ang MIBF din ang longest-running book fair sa bansa, kung saan, simula 1980s ay tinitipon na ang mga mambabasa mula sa iba’t ibang lungsod at probinsya upang palawakin pa ang kultura ng pagbabasa at suportahan ang industriya ng paglalathala sa bansa.
Sa loob ng higit tatlong dekada, ang MIBF ay dinadaluhan ng higit-kumulang 160,000 mambabasa at tinatayang 200 local at international exhibitors taon-taon.