Timbog sa ikinasang “24-hour intensified nationwide operation” ng Philippine National Police (PNP) ang 10 most wanted persons mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kasabay ang pagkakasabat ng umano’y ilegal na droga at kontrabandong aabot sa ₱134 milyon ang halaga.
Ayon sa ibinahaging ulat ng PNP, nagsimula ang operasyon noong 8:00 ng umaga, Marso 20 hanggang sa matapos ito noong 8:00 ng umaga, Marso 21.
Nagresulta ang nasabing operasyon sa aprehensyon ng 10 most wanted persons sa bansa, kabilang na ang isang 46-anyos na murder suspect sa Cebu City, 29-anyos na umano’y carnapper sa La Union, at 40-anyos na may reklamong multiple counts ng statutory rape sa Surigao del Sur.
Ilan pa sa mga kaso ng mga natiklong suspek ay rape, qualified theft, at violations of RA 10883, na ginawa sa lalawigan ng Quezon, Rizal, Laguna, Lanao del Norte, at sa lungsod ng Malabon.
Sa isinagawa namang anti-illegal drug operations, matagumpay na nasamsam ng awtoridad ang ₱9.6 milyon halaga ng dried marijuana sa Benguet, ₱104.2 milyong halaga ng umano’y shabu sa Camarines Sur at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, at ₱20.2 milyong halaga ng smuggled na yosi sa Maguindanao del Norte.
Ang mga nasakoteng suspek ay nasa ilalim na ng kustodiya ng PNP, samantalang isinumite na rin sa kinauukulan ang mga narekober na kontrabando at ilegal na droga para sa pagsusuri at tamang disposisyon.