May 21, 2026

Home BALITA National

‘No issue on supply!' DA, iginiit na walang shortage sa pagkain kahit mataas ang gas

‘No issue on supply!' DA, iginiit na walang shortage sa pagkain kahit mataas ang gas
Photo courtesy: MANILA BULLETIN FILE PHOTO

Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. sa publiko na nananatiling matatag ang supply ng pagkain sa bansa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.

“Definitely, there is no issue on supply. I can safely say that through June, even July, there is no issue on supply of almost everything,” ani Laurel nitong Sabado, Marso 21, 2026.

Ayon pa sa DA, nananatiling matatag ang supply ng bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino. Saad pa ng naturang ahensya, may hawak ang National Food Authority (NFA) ng humigit-kumulang 400,000 metric tons na buffer stock, na sapat para pakainin ang buong bansa sa loob ng 10 araw.

Dagdag pa ng ahensya, pinalalakas pa ng peak harvest season at mga inaasahang importasyon ang suplay ng bigas.

Upang mapanatili ang abot-kayang presyo, pinaigting din ang mga hakbang sa merkado, kabilang ang mas mahigpit na monitoring ng presyo ng bigas, pag-aaral sa posibleng price cap sa imported rice, at pag-aatas sa Food Terminal Inc. at Planters Products Inc. na mag-alok ng mas murang alternatibo sa mga mamimili.

National

Arrest warrant kay Dela Rosa, valid; lahat ng ebalwasyon ng SC, ibabato sa DOJ—Palasyo

Sinabi rin ng DA na nananatiling paborable ang suplay ng iba pang pagkain. 

Supply of vegetables is also sufficient since this is the harvest and planting period,” dagdag ni Laurel.

Samantala, may sapat ding stock ng imported na baboy sa mga cold storage facility habang patuloy na dumarami ang lokal na produksyon ng baboy. Nasa panahon din ng ani ang mais, asukal, at sibuyas na nakatutulong sa pagpapanatili ng suplay.

Gayunman, binanggit ni Laurel na maaaring magkaroon ng bahagyang epekto ang pandaigdigang sitwasyon sa presyo ng mga bilihin.

“In general, prices should be stable although there might be some slight increases due to higher freight and transport cost,” aniya.

Magpapatuloy hanggang Hunyo 2028 ang ₱20 rice program para sa target na benepisyaryo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kabuuan, sinabi ng DA na bagama’t maaaring tumaas ang gastos sa logistics dahil sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, nakatutulong ang kasalukuyang ani at sapat na imbentaryo ng bansa upang mapanatiling matatag ang suplay at makontrol ang pagtaas ng presyo.