Naglabas na ng opisyal na pahayag ang talent agency na "House of Mentorque" kaugnay sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng isa sa kanilang talents na si Ron Angeles, matapos kumalat online ang ilang sensitibong video na umano’y kinasasangkutan nito.
Matatandaang isa si Ron sa binansagang "Big Four" o apat na aktor na nasangkot sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalat ng maselang video sa social media, na pinagpipiyestahan at pinagkakakitaan pa.
Ito naman ang pormal at opisyal na pahayag na inilabas ni Ron matapos ang ilang linggong pananahimik.
Maki-Balita: 'Sanay na akong mahusgahan!' Ron Angeles, 'patakam' sa kabila ng sex video scandal
Sa kanilang statement, mariing iginiit ng ahensya na ang nasabing mga video ay naitala at lumabas nang walang pahintulot ng sangkot na indibidwal.
Ayon pa sa kanila, may mga ulat na ang naturang mga kopya ay hindi lamang basta ipinakalat, kundi ibinebenta at pinagkakakitaan pa sa iba’t ibang online platforms.
Inilahad din ng House of Mentorque na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, may natukoy na silang ilang indibidwal na posibleng konektado sa isang organisadong grupo.
Ang naturang grupo umano ay sangkot sa ilegal na pagre-record, distribusyon, at eksploitasyon ng mga biktima; isang seryosong krimen na patuloy nilang tinututukan katuwang ang mga awtoridad.
Samantala, pormal nang nagsampa ng reklamo si Ron kaugnay ng insidente. Kasalukuyan din siyang nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa pagkalat ng nasabing video.
"Ron Angeles has formally filed a complaint. We are fully committed to pursuing this case relentlessly until every individual involved is identified, held accountable, and brought to justice," anila.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi ito isang isolated na kaso, at sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga awtoridad, natuklasan na ang insidente ay bahagi ng mas malawak na operasyon ng isang organisadong network na sangkot sa ilegal na gawain.
Nanawagan din ang talent agency sa iba pang posibleng biktima na lumantad at magsalita, kasabay ng pagtiyak na handa silang magbigay ng suporta at tulong sa paghahanap ng hustisya.
Hinikayat din ang publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa pagpuksa sa naturang operasyon.
Kasabay nito, pinaalalahanan ang publiko na ang pagbabahagi, pagre-repost, o pakikipag-ugnayan sa naturang mga video ay labag sa batas.
Ayon sa ahensya, bawat view, share, at transaksyon ay lalong nagpapalawak ng pang-aabuso at nagdudulot ng matinding trauma hindi lamang sa mga biktima kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Sa paggunita ng Women’s Month, binigyang-diin din ng House of Mentorque na ang pang-aabuso at eksploitasyon ay walang pinipiling kasarian at maaaring maranasan ng kahit sino.
"As we observe Women’s Month, let this serve as a reminder: abuse and exploitation know no gender. It can happen to anyone," anila.
"This must end. Help us stop this," paalala pa nila.