Timbog ang apat na indibidwal matapos ang umano’y hindi awtorisadong pagbebenta ng mga ito ng produktong petrolyo sa bayan ng Guinobatan, lalawigan ng Albay.
Sa ulat na ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Marso 20, nasakote ng mga awtoridad ang apat na suspek matapos nitong ikasa ang isang focused entrapment operation sa Barangay Maipon noong Miyerkules, Marso 18.
Kinilala ang apat na sina alyas “Karl,” “Malyn,” “Nel,” at “Meo.”
Narekober din sa apat na suspek ang tatlong portable micro fuel dispensers, isang fuel tank, sales invoices, at buy-bust money na aabot umano sa ₱2.32 milyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Albay police ang mga natiklong suspek, para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Sa kaugnay na ulat, matatandaang nagsanib-puwersa ang PNP, Department of Energy (DOE), at Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga insidente ng hoarding at profiteering ng produktong petrolyo.
MAKI-BALITA: DOE, DILG, PNP sanib-puwesa vs hoarding, profiteering ng produktong petrolyo-Balita