May 22, 2026

Home BALITA

Mahigit 3,000 Pinoy seafarers, stranded at 'di makalayag sa Strait of Hormuz

Mahigit 3,000 Pinoy seafarers, stranded at 'di makalayag sa Strait of Hormuz
Photo courtesy: Unsplash

Tinatayang nasa 3,500 Pilipinong seafarers ang nananatili sa Persian Gulf at hindi pa nakalalabas sa rehiyong apektado ng sigalot sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Batay sa pinakahuling datos, mula sa kabuuang 4,600 Pilipinong marino sa lugar, 1,161 pa lamang ang nakalabas sa Strait of Hormuz sakay ng kani-kanilang mga barko. 

Bunsod nito, nananatiling malaking bilang ng mga tripulanteng Pilipino ang patuloy na naglalayag at nagtatrabaho sa loob ng naturang rehiyon.

Ipinaliwanag ng DMW na ang mga seafarer ay nananatiling naka-duty at hindi itinuturing na stranded sa tradisyunal na kahulugan, sapagkat tuloy-tuloy ang operasyon ng kanilang mga barko. 

Gayunman, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang kanilang kalagayan lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa Persian Gulf.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Nakikipag-ugnayan din ang DMW sa mga shipping companies at manning agencies upang matiyak ang kaligtasan, maayos na kondisyon sa trabaho, at agarang tulong sakaling kailanganin ng mga Pilipinong marino.

Samantala, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbigay ng katiyakan ang Iran na papayagan ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may sakay na Pilipino, kabilang ang mga sasakyang pandagat na may bandilang Pilipino at pati ang mga nagdadala ng suplay ng enerhiya.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng kahilingan ng pamahalaan ng Pilipinas na kilalanin bilang isang “non-hostile country” sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.

Patuloy rin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang posibleng paglala ng sitwasyon, kabilang ang pagbuo ng contingency measures para sa posibleng repatriation ng mga Pilipinong marino kung kinakailangan.

Hinikayat naman ang mga pamilya ng mga seafarer na manatiling nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para sa mga update, habang pinatitibay ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.