Gumulantang sa ilang residente sa General Nakar, Quezon, ang isang wala nang buhay na sanggol na natagpuan sa ilog sa ilalim ng tulay.
Batay sa paunang impormasyon, natuklasan ang sanggol sa ilalim ng tulay na nasa pagitan ng Barangay Minahan Sur at Barangay Minahan Norte.
Ang bangkay ay unang nakita ng tatlong kabataang naglilibot sa lugar, na agad namang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang barangay sa mga awtoridad, dahilan upang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMC) at pulisya sa pinangyarihan.
Sa imbestigasyon, lumabas na isang lalaking sanggol ang natagpuan at wala na itong senyales ng buhay nang madiskubre.
Inilipat na ang bangkay nito sa isang punerarya para sa kaukulang proseso.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng sanggol at matukoy ang sinumang responsable sa nangyaring insidente.