May 05, 2026

Home BALITA National

PBBM, inanunsyo libreng-sakay, diskwento sa pamasahe

PBBM, inanunsyo libreng-sakay, diskwento sa pamasahe
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, MB


Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya ay nagbaba na ng direktiba sa Department of Transportation (DOTr) hinggil sa libreng-sakay at diskwento sa pamasahe.

Kasunod ito sa pagsuspinde niya sa fare hike na nakaambang maimplementa sana sa Huwebes, Marso 19, kasabay ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng lumalalang tensyon sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

MAKI-BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!-Balita

Sa inilabas na video statement ni PBBM sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Marso 18, 2026, mapapanood na inilahad ng Pangulo ang nasabing anunsyo hinggil sa pamasahe.

“Huwag pong mag-alala ang ating mga transport workers dahil mamadaliin po namin, dadagdagan po namin ang suporta sa inyo para naman ay hindi kayo masyadong mahirapan,” panimula ni PBBM. 

Aniya, “Ang DOTR ay inutusan ko na simulan na ang libreng sakay sa buong Pilipinas at puwede po ninyong gamitin na muna ‘yan para pangbawas sa gastos sa pang-araw-araw. At sa MRT at saka LRT ay magdidiskwento po tayo doon sa pamasahe. Bukod pa doon, sa mga toll road ay mayroon din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong-bayan sa paggamit ng mga toll road.”

“Kahit na na may malaking gulo na nangyayari ay basta’t kaunti lang ang mararamdaman o sana man–kung kaya naming gawin–sana walang mararamdaman ng ating taong-bayan sa kanilang araw-araw na pagtrabaho, sa ating mga estudyante na araw-araw pumapasok,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ng Pangulo na laging handa ang gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.

“Alalahanin po ninyo na ang inyong pamahalaan ay laging nandito. Lagi kaming nag-iisip ng panibagong paraan upang matiyak na ang inyong pamumuhay ay normal, maayos, at ligtas,” pagtatapos niya.

Samantala, sinabi naman ng DOTr na sila ay susunod ayon sa direktibang ibinaba ng Pangulo.

MAKI-BALITA: DOTr, ipagpapaliban muna dagdag-pasahe sa mga PUVs-Balita