Umani ng atensyon sa social media ang isang kakaibang alitan ng mag-asawa matapos umanong alukin ng isang misis na “pauupahan” ang kaniyang mister na nahuling may kabit.
Sa pamamagitan ng isang TV show sa Thailand, ibinahagi ng misis ang pinagdaanan umano ng kanilang pamilya.
Ayon sa kaniya, matagal na umanong may relasyon ang kaniyang asawang pulis, sa ibang babae, at kalaunan ay lumipat pa ito sa tirahan ng kaniyang kabit.
Aniya, nagsimula niyang mapansin ang pagbabago sa ugali ng asawa noong kalagitnaan ng 2025, kabilang ang madalas na pag-uwi nang gabi at pag-iwas sa kaniyang mga tawag.
Lumala ang sitwasyon nang umuwi umano ito ng 1:00 ng madaling araw at sabihing nais na nitong iwan ang kanilang pamilya, matapos niyang maibigay ang lahat sa kaniyang mag-ina.
Sa kabila nito, bagama’t pansamantalang bumalik sa kanilang tahanan ang lalaki matapos silang mag-usap, nadiskubre pa rin ng misis na nagpapatuloy pa rin ang relasyon nito sa ibang babae. Sa kalaunan, inamin din umano ng kabit na alam nitong may asawa at anak ang lalaki.
Nang tanungin ng misis kung handa bang akuin ng babae ang responsibilidad sa mga obligasyon ng kaniyang asawa sakaling maghiwalay sila, tumanggi umano ito at sinabing ang mag-asawa na lamang ang mag-ayos ng kanilang problema.
Makalipas ang ilang buwan, muling tumira sa kanilang bahay ang lalaki at tila bumalik sa normal ang kanilang pagsasama, ngunit muling nagkaroon ng tensyon nang aminin nito na nami-miss pa rin ang kaniyang kabit.
Bunsod nito, naglatag ang misis ng kakaibang alok—papayagan niyang makasama ng kabit ang kaniyang asawa kung magbabayad ito ng 30,000 baht kada buwan, na tila “upa” sa lalaki. Pumayag umano ang kabit sa alok, ngunit tinutulan ito ng kaniyang asawa.
Sa huli, nagsampa ng kaso ang misis laban sa kabit. Gayunman, ipinaliwanag ng isang legal expert, na walang legal na bisa ang ganitong uri ng kasunduan sa Thailand dahil labag ito sa umiiral na batas at sa prinsipyo ng monogamy sa bansa.