Muling nagpamalas ng malasakit sa kapwa ang GMA TV host at weather anchor na si Kuya Kim Atienza matapos niyang sagutin ang panawagan ng isang netizen na nangangailangan ng agarang mental health support.
Sa isang post sa social media platform na Threads, makikita ang panawagan ng netizen na naghahanap ng psychiatrist:
Mababasa, “anyone na psychiatrist po? need ko po consultation now kahit online. please.”
Makikita rin sa mga sumunod na post ang kaniyang matinding pinagdaraanan, kabilang ang paghingi ng paumanhin sa kaniyang pamilya at pagsasabing hindi na niya kaya.
Ang psychiatrist ay isang lisensyadong medical doctor na dalubhasa sa mental health. Sila ang nagsusuri, nagdi-diagnose, at nagbibigay ng paggamot sa mga kondisyon tulad ng depresyon, anxiety, bipolar disorder, at iba pa. Bukod sa therapy, maaari din silang magreseta ng gamot kung kinakailangan, na isang bagay na kaibahan nila sa psychologists.
Sa gitna ng pag-aalala ng netizen, agad na tumugon si Kuya Kim sa pamamagitan ng simpleng mensahe: “I DM’d you. Tight hug.”
Sa private messages naman na ibinahagi ng netizen, makikita ang aktwal na pag-uusap nila ni Kuya Kim. Una, nagpadala si Kuya Kim ng mensahe na handa siyang tumulong at may mga taong maaaring makausap ang netizen.
Hindi lamang emosyonal na suporta ang kaniyang ibinigay kundi nag-alok din siya na sagutin ang gastos sa pagpapatingin:
“Please schedule a session, I will pay for the bill. Tight hug ha," mababasang sabi ni Kuya Kim.
Hindi dito nagtapos ang kanyang pagtulong. Hinikayat pa niya ang netizen na magpa-appointment agad:
“Sked na an appointment asap.”
At upang masigurong matutuloy ang tulong, sinabi pa niya, “Tell me if you have an appointment na ha? Mga 8 sessions yan. Ako na bahala.”
PASASALAMAT NG NETIZEN
Sa kalaunan, ibinahagi ng netizen ang kaniyang pasasalamat, na nagsasabing muntik na niyang tapusin ang kaniyang buhay kung hindi lamang siya naabutan ng mensahe ni Kuya Kim:
“I was about to end my life tonight… Just in time, my phone beeped. At it was @kuyakim_atienza message," saad pa niya.
Dagdag pa niya, ang simpleng mensahe ay nagbigay ng pag-asa at lakas ng loob sa kaniya sa gitna ng kaniyang laban.
“What you did didn’t just help me financially—you gave hope and comfort to someone who was silently fighting her battles," saad pa ng netizen.
"I will never forget this moment."
Matatandaang kamakailan lamang, isang kabataang netizen naman ang tinulungan din ni Kuya Kim at inayang manood ng programang "TiktoClock."
Maki-Balita: 'Thanks for saving a stranger’s life! Kim Atienza at netizen na tila pasuko na sa buhay, nagkita!
Si Kuya Kim ay nawalan ng anak na si Emman Atienza dahil sa isyu ng mental health noong Nobyembre 2025.