Tila kinumpirma ni Navotas lone district Rep. Toby Tiangco na totoo raw ang ilan sa mga sinasabi ng 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marine sa kanilang joint affidavit.
Bago nito, nauna nang ilahad ni Tiangco sa naging panayam sa kaniya ng media noong Martes, Marso 17, 2026, na alam daw ng ibang mga mambabatas sa Kamara na hindi nila kayang makipag-areglo kay Vice President Sara Duterte sakali mang manalo itong bilang Pangulo, dahil tiyak daw na pananagutin nito ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“Tingin nila, maaareglo nila ‘yong iba e. Pero si Sara, sa tingin nila, hindi nila maaareglo ‘yon,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Maging totoo tayo. Kayo, paano ba kayo mag-isip? Sa tingin n’yo ba, maaareglo si Sara o hindi? Kayong tatanungin ko, definitely, no.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang solon sa Kamara, 'di maaareglo si VP Sara sakaling manalo sa 2028—Rep. Toby Tiangco
Sa pagpapatuloy ni Tiangco, nabaling naman ang atensyon niya tungkol sa hindi pagpapatawag at tila pagiging takot umano ng Kongreso sa 18 ex-Marines.
“‘Yong 18 Marines. ‘Di ba dati kapag may sinabi ka tungkol sa Congress at hindi totoo, e ‘di nagalit ‘yong mga congressman, pinatawag ‘yong 18 Marines,” aniya.
‘Ika pa niya, “Bakit ngayon, takot silang ipatawag ‘yong 18 Marines?”
Giit ni Tiangco, hindi raw niya literal na sinasabing totoo ang lahat ng isinisiwalat ng 18 ex-Marines.
“Hindi ko sinasabing lahat ng sinasabi ng 18 Marines ay totoo. Hindi ko sinasabing may sinasabi silang hindi totoo. Pero bakit hindi nila [ng Kongreso] pinapatawag?” paglilinaw niya.
Ngunit kambyo ni Tiangco, may ilang detalye raw sa isinisiwalat ng 18 ex-Marines ang alam niya mismong totoo.
“Alam ko, merong mga totoo do’n. ‘Yong iba, medyo hindi ko sure kung totoo pero alam [kong] may mga totoo doon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon o tugon ang kampo ni 18 ex-Marines kaugnay sa tila naging pagkatig sa kanila ni Tiangco.
KAUGNAY NA BALITA: 18 ex-Marines, pumalag sa akusasyong 'gipit lang sila' kaya napilitang lumantad!