Nagdulot ng aliw sa social media ang honest mistake ng Kapamilya actress na si Sofia Andres matapos niyang magkamali at ipakilala ang sarili bilang si ABS-CBN news anchor-journalist Jeff Canoy, sa pagtatapos ng "TV Patrol Express."
Nitong Lunes, Marso 16, guest si Sofia para ihatid ang showbiz news para sa promotion na rin ng "The Alibi" na seryeng pinagbidahan nina Kim Chiu at Paulo Avelino kung saan kasama sa cast member si Sofia.
Sa outro spiels ng TV Patrol Express, tila nakalimutan ni Sofia na may spiels pa siyang babasahin, kaya naman iginiya na siya ni Jeff Canoy.
"Ako po..." muwestra ni Jeff kay Sofia.
"Ako po si... Jeff Canoy..." tila naguluhang saad ni Sofia.
Mabilis naman siyang itinama ni Jeff.
"Sofia Andres..." natatawang pagtatama naman ni Jeff, at napayakap na lang sa kaniya si Sofia.
Kaya ang ginawa na lang ni Jeff, sinakyan na lang ang pagkakamali ni Sofia at nagpakilalang Sofia Andres.
"At ako po si Sofia Andres, maraming salamat, at magandang hapon, Kapamilya!" natatawang saad na lang ni Jeff.
Makikita namang nagtawanan na lang din ang mga newsroom staff na nasa loob ng studio dahil sa pagkakamali ni Sofia.
Agad namang ibinahagi ni Sofia sa kaniyang post ang video clip nito.
"Ako tuwing Monday be like: Best lutang moment hahhaha Jeff Canoy," mababasa sa caption ng post.
Ibinahagi rin ni Jeff ang video clip.
"May bagong Jeff Canoy na," aniya.