Iginiit ni Kitty Duterte na hindi na bago sa kanilang pamilya ang matinding batikos at pagsusuri mula sa publiko sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng kanilang pamilya.
Sa panayam ng Facebook page na Alvin and Tourism noong Martes, Abril 21, 2026, ibinahagi ni Kitty ang kaniyang saloobin hinggil sa mga isyu na ibinabato umano sa kanila.
“These unsolicited opinions, everything, the harassment—it’s inevitable,” ani Kitty.
Saad pa niya, “My family, most of them are in politics, obviously subject to criticism and scrutiny—it’s always going to be there.”
Sa kabila nito, sinabi niyang pinipili niyang huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga bagay na wala siyang kontrol.
“I don’t have lingering thoughts because, in the first place, I don’t lend energy or time to things that, again, I cannot control,” aniya.
Matatandaang naahaharap ang kaniyang amang si dating Pangulong Duterte sa mga kasong may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon, kabilang ang crimes against humanity.
Inaresto siya sa Maynila noong Marso 2025 at inilipat sa The Hague, kung saan siya kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng ICC.
Samantala, patuloy ding umiigting ang mga isyung pulitikal na kinahaharap ng pamilya Duterte. Kabilang dito ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan sinusuri ng mga mambabatas ang kanyang mga financial records, kabilang ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs), tax filings, at iba pang interes sa negosyo.
Ang resulta ng imbestigasyon ay maaaring makaapekto sa hinaharap na pampulitika ng bise presidente, habang nananatiling sentro ng diskusyon ang isyu ng transparency at accountability.
Sa gitna ng lumalakas na debate, muling binigyang-diin ni Kitty ang kaniyang pananaw.
“It’s inevitable,” aniya, bilang tugon sa patuloy na kontrobersiya at atensyon na kinakaharap ng kanilang pamilya.