Ibinida ni Sen. JV Ejercito ang paggamit niya ng bisikleta bilang mode of transportation sa pagpasok niya sa Senado.
Ito ay sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan matapos magkasamang bombahin ng Amerika at Israel ang Iran.
Sa latest Facebook post ni Sen. JV nitong Martes, Marso 10, sinabi niyang magandang paraan umano ang pagbibisikleta hindi lang para makatipid kundi para makapag-ehersisyo rin.
“Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, isang magandang paraan ang pagbibisikleta para makatipid at makapag-exercise na rin,” anang senador.
Kaya naman patuloy umano niyang isinusulong ang maayos at ligtas na imprastruktura tulad ng bike lanes.
Dagdag pa niya, “Pinag-aaralan din natin ang mga pag-i-incentivize ng bike-to-work programs para mahikayat ang iba’t ibang sektor at mas maraming indibidwal na piliin ang pagbibisikleta bilang praktikal at environment-friendly na paraan ng pagbiyahe.”
Matatandaang nauna nang kinumpirma ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin, noong Marso 2, ang posibilidad na tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa mga darating na araw bunsod ng nasabing alitan.
Maki-Balita: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. Jr. na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na tinatayang aabot ng 50 hanggang 60 araw.
Maki-Balita: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM