Taliwas sa karamihan ng marami, ang mga sakripisyo at pagsubok na kinahaharap ng kababaihan ay hindi natatapos sa kanilang responsibilidad sa lipunan, trabaho, at tahanan.
Kasama rin sa dito ay ang mga iniinda at nakasanayan nilang mga pagbabago sa kanilang pangangatawan.
Dahil bukod sa buwanang dalaw, ang kababaihan ay dumadaan sa apat na phase ng kanilang menstrual cycle.
Menstruation Phase
Sa phase na ito, nalalaglag at lumalabas sa puwerta ang lining o sapin sa loob ng matris.
Bukod pa sa dugo, kasama rin sa nilalabas ng katawan ay ang mucus o uhog, at ilang selula mula sa lining ng matris, na karaniwang tumatagal nang tatlo hanggang pitong araw.
Dito nararananasan ng maraming kababaihan ang iba’t ibang sintomas tulad ng pananakit ng puso, pananakit ng suso, mood swings, pagiging iritable, sakit ng ulo, fatigue o pagkapagod, at pananakit ng ibabang bahagi ng likod.
Follicular Phase
Ang phase na ito ay nagsisimula sa unang araw ng regla at tumatagal ng hanggang 16 na araw, kung saan ang pagbabago ng hormone levels ay nagdudulot ng pagkapal ng lining sa matris at paglaki ng follicles sa ibabaw ng obaryo.
Kadalasan, isa lamang sa follicles na ito ang nagma-mature at magiging itlog.
Ovulation Phase
Ang ovulation phase ay kung saan lumalabas ang isang hinog o matured na itlog mula sa obaryo, na kadalasang nangyayari dalawang linggo bago ang susunod na regla.
Sa phase na ito, malaki ang posibilidad na mabuntis ang babae kung makikipagtalik ito nang walang contraceptive.
Ilan sa mga sintomas na nararamdaman ng isang babae sa ovulation phase ay ang bahagyang pagtaas ng body temperature at makapal na mucus discharge.
Luteal Phase
Sa phase na ito, patuloy na lumalapot ang lining ng matris bilang paghahanda sa posibilidad ng pagbubuntis.
Kung walang nabuo ritong buhay, magkakaroon ng regla ang babae at muli nang uulit sa simula ang menstrual cycle.
Sa phase na ito nararamdaman ng ilang babae ang premenstrual syndrome (PMS) tulad ng pamamaga o pananakit ng suso, mood swings, pagtaba, food cravings, hirap sa pagtulog, at pagbabago sa pagnanais nilang makipagtalik.
Bukod sa mga sintomas at pagbabagong ito, nakaaapekto rin ang phases na ito sa kondisyon ng balat.
Kaya bilang isa sa mahalagang parte ng pagiging babae ang “skin care” narito ang ilang tips kung paano aalagaan ang balat base sa phase na pinagdaraanan:
Menstruation Phase
Ayon sa mga pag-aaral, ang balat ay pinaka-sensitibo sa menstruation phase dahil ang bagsak at nasa “lowest” level ang hormone levels, na nakaaapekto sa hydration at pangkabuoang itsura ng balat.
Kaya ang ilang babae ay nakararananas ng dryness at sensitivity ng balat sa phase na ito, habang ang iba ay nakararanas naman ng pamumula o pagkairita ng balat.
Ipinapayo ng mga eksperto na sa menstrual phase, mainam ang mga sumusunod:
- Gentle Cleansing gamit ang mild ngunit hydrating cleansers.
- Hydration Boost gamit ang moisturizer na may mga hyaluronic acid at ceramides upang matulungan ang balat na maging malambot at hydrated.
Hangga’t maaari ay ipinagbabawal rito ang exfoliation o pag-aalis ng mga patay na balat dahil mas magiging sensitibo at iritable ito.
Follicular Phase
Sa phase na ito, makikita na ang balat ay mas magiging maaliwalas dahil sa pagtaas ng estrogen, na tumutulong sa produksyon ng collagen.
Kaya makikita rin dito ang mas malusong na kompleksyon ng balat.
Ipinapayo ng mga eksperto na sa phase na ito, mainam na pagtuonan ng pansin ang brightening treatments at mga produktong may Vitamin C at niacinamide, na nakatutulong sa pagliwanag ng balat.
Dahil na rin mas nadadagdagan ang produksyon ng oil sa balat rito, ipinapayo ang paggamit ng lightweight moisturizer na hindi nakababara sa pores o non-comedogenic, upang mapanatili ang magandang estado ng balat.
Saad pa ng mga eksperto, ito ang panahon na mainam mag-exfoliate upang matanggal ang mga patay na balat at magkaroon ng mas malambot at makinis na balat.
Ovulation Phase
Kadalasan, ito ang phase na nasa “peak” ang estado ng balat dahil sa hydration at mas balanseng kutis o balanced complexion para sa marami dahil sa pagtaas ng hormone levels.
Para sa ilan, dahil sa mataas na hormone levels, nakararanas naman sila ng oiliness at minor breakouts o pagkakaroon ng mga kaunting tigyawat.
Dito ay ipinapayo ang paggamit ng brightening na produkto at hydrating moisturizer upang mapanatili at maingatan ang estado ng balat.
Dahil sa mataas na oil production sa phase na ito, inaabiso na gumamit ng lightweight at mga produktong walang oil upang mapanatiling fresh at glowing ang balat nang hindi ito nagiging oily.
Lutel Phase
Sa phase na ito, dito na nakararanas ang marami ng lubos na pagiging oily at sensitibo ng balat na nagdudulot upang magsilabasan ang mga tigyawat, dahil sa pagtaas ng progesterone.
Sa phase din na ito kadalasang nararamdaman ang pagiging dry at iritable ng balat, na nakaaapekto sa barrier function ng balat.
Kaya ipinapayo ng mga eksperto na sa ilalim ng luteal phase, mainam gumamit ng acne control products na may ingredients tulad ng salicylic acid o benzoyl peroxide na nakatutulong sa pagbawas ng breakouts at paglinis ng pores.
Mainam rin dito ang anti-inflammatory products tulad ng green tea extract o chamomilem na nakatutulong sa pag-ibsan ng pamumula at iritasyon ng balat.
Sa hydration naman ng balat, mainam pa rin ang lightweight ngunit epektibong moisturizer na hindi nakakabara sa pores at nakaiiwas sa pagbabara ng lumalabas na mga tigyawat.
Ayon sa pag-aaral ng Mayo Clinic, sa lahat ng phase na pinagdaraanan, mahalagang manatili ang cleansing ng balat at pagprotekta nito laban sa araw gamit ang sunscreen. ‘
Gayundin ang pagkakaroon ng healthy diet, tulad ng pagkakaroon ng gulay, prutas, proteins, at whole grains upang maiwasan ang maagang pagtanda ng balat.
Sa healthy diet ay saklaw rin ang pag-inom ng maraming tubig at pagbawas sa mga pagkain o inuming hitik sa alat at tamis dahil sa posibleng pagkasira ng balat at kakulangan nito sa nutrisyon.
Sean Antonio/BALITA